Nagharap ng "urgent manifestation and motion" si Taguig Mayor Lani Cayetano sa Korte Suprema upang imbestigahan at pagpaliwanagin si Makati Mayor Abigail Binay bunga ng pahayag nitong hindi pa tapos ang kaso kaugnay ng tunay na pagmamay-ari sa 729 na ektaryang lupa sa Fort Bonifacio.

News Image #1


Sa isang panayam sa media, sinabi ni Binay na hindi pa tapos ang laban ng Makati at Taguig sa lupa sa Fort Bonifacio Military Reservation, kabilang na ang ilang mga barangay at headquarters ng militar, dahil nagharap sila ng mosyon sa Korte Suprema.

"Mayroon kaming pending (omnibus) motion, so we are waiting for the Supreme Court to schedule a hearing on our motion, so hindi pa tapos," ayon kay Binay.


Tinuligsa ni Cayetano ang pahayag na ito ni Binay makaraang makumpirma nila sa Ikatlong Dibisyon ng Korte Suprema na walang kautusan ang Korte Suprema na nagtatakda sa pagdinig para sa oral argument ng naturang kaso.

"Napakalinaw ng desisyon ng Korte Suprema at dapat itong igalang. At bilang responsableng opisyal ng mga local government units katungkulan naming payapain ang kalooban ng aming mga kababayan. Gusto ko pong ipahayag na bilang Mayor ng Taguig, wala sa aming intensyon na may maantala na serbisyo publiko sa mga barangay na dati ay sakop ng Makati," ayon kay Cayetano nang ito ay makapanayam ng media.


Sinabi ni Cayetano na noong Setyembre 2022, nagdesisyon na ng pinal ang Korte Suprema sa kaso kung saan idineklarang ang Taguig ang nagmamay-ari ng Fort Bonifacio at ang mga karatig-barangay nito.



Kabilang dito ang maunlad na Bonifacio Global City at ang mga barangay "embo" (enlisted men barrios) tulad ng Comembo, Cembo, South Cembo, West Rembo, East Rembo at Pitogo.

Kasama rin sa idineklara ng Korte Suprema na pagmamay-ari ng Taguig ang lupang kinatatayuan ng Philippine Army Headquarters, Navy Installation, Philippine Marines Headquarters, Consular area, JUSMAG area, Heritage Park, Libingan ng mga Bayani at AFP Officers Village, at anim pang mga subdibisyong malapit dito.

Batay sa pahayag ng Korte Suprema, "considering the historical evidence adduced, cadastral surveys submitted, and the contemporaneous acts of lawful authorities, we find that Taguig presented evidence that is more convincing and worthier of belief than those proffered by Makati."

Sinelyuhan ng Korte Suprema ang kaso nang mailagay na ito sa Book of Entries and Judgments na nangangahulugang hindi na ito maaaring i-apela pa o baguhin.

Sinabi ng pamahalaang lungsod ng Taguig na ang paborableng desisyon ng Korte Suprema ay magbibigay sa kanila ng pagkakataon para mapagsilbihan ang kanilang mga bagong constituents.

Taong 1993 nang magsimula ang agawan ng dalawang siyudad sa Fort Bonifacio, nang pasukin ito ng Bases Development Authority at ilipat sa siyudad ng Makati ang ilang bahagi ng Fort Bonifacio sa bisa ng Presidential Proclamation Numbers 2475 at 518 ni dating Pangulong Fidel Ramos. Umapela ang pamahalaan ng Taguig sa Pasig Regional Trial Court at dito nagsimula ang tatlumpung dekadang labanan sa pagmamay-ari ng Fort Bonifacio.


News Image #2


News Image #3