Iginiit ng Taguig City ang kanilang karapatan bilang isang local government unit, at ibinabatay lamang nila sa desisyon ng Korte Suprema ang ginagawa nilang regulasyon sa pamamalakad ng Makati Park and Garden sa Barangay West Rembo.
Sinabi ng Taguig na dahil isang pampublikong pasilidad ang Makati Park and Garden na nakatayo sa EMBO (enlisted men's barrio) barangay, kailangang sila ang magmonitor at maniyak na sumusunod sa batas, ordinansa at regulasyon ang parke.
"Hindi exempted ang mga ahensiya ng gobyerno sa mga regulasyon. Maaaring exempted sila sa pagbabayad ng regulatory fees, subalit hindi sa mga regulasyon kasama na ang pagkuha ng angkop na permits. Walang permit ang Makati Garden and Park. Inaamin ito mismo ng Makati. Kung kaya't ilegal ang operasyon nito. Hindi na nahiya ang Makati na, sa halip na maging huwaran sa pagtalima sa mga batas at regulasyon, iginigiit nito na hindi sila sakop ng batas at kung gayon hindi kailangang kumuha ng anumang permit," ang pahayag ng Taguig na isinapubliko sa mainstream at social media.
Niliwanag din ng Taguig na hindi nila tinatalikuran ang kanilang karapatan sa pagmamay-ari ng lahat ng pampublikong lote at pasilidad na nakatayo sa EMBO barangays nang sabihin ng Makati na ang ginawang pagsita ng Business Permit and Licensing Office ng Taguig sa kawalan nila ng permiso para mapatakbo ang park ay isang pag-amin na hindi sa Taguig ang parke.
"Ang mga lote at pasilidad na ito ay nananatiling pampubliko ang katangian, na inilaan para sa kapakanan ng mga residente ng EMBO, at walang karapatan ang Makati na kamkamin ang pagmamay-ari o kahit ang paggamit ng mga ito," ang nakasaad pa sa opisyal na pahayag ng Taguig na inilabas kahapon, Marso 8, 2024.
Sinabi pa ng Taguig na matagal nang sarado ang parke sa orihinal nitong paggamit bilang parke o lugar-libangan dahil ginawa anila itong garahe para sa mga heavy equipment at tambakan ng mga ginamit na dekorasyon at iba pa ng Makati City.
"Nabisto rin na pati mga pribadong kontraktor ng Makati ay gumagamit ng parke bilang kanilang opisina, garahe at tambakan. Nililinlang ng Makati ang madla sa pagsasabing ipinagkakait ng Taguig sa mga tao ang paggamit ng parke. Makati ang siyang nagpatigil ng gamit ng parke bilang pasyalan, at ginamit sa ibang layunin na taliwas sa paggawad ng lote ng Estado. Labag sa batas ang paggamit ng pampublikong pasilidad sa ibang di-nakalaang layunin, lalo na kung ibinigay ang gamit para sa pribadong entidad," dagdag pa ng Taguig.
Tiniyak din ng pamahalaang lungsod ng Taguig na pansamantala lamang ang pagsasara ng parke, batay sa naging desisyon ng Business Permit and Licensing Office ng lungsod. Anila, magagamit itong muli sa tamang layunin, at ibabalik nila sa publiko ang naturang parke.
Matatandaang ang 10 EMBO barangays, kabilang ang Barangay West Rembo kung saan nakatirik ang Makati Park and Garden, ay inilipat na ng Korte Suprema sa hurisdiksyon ng Taguig makaraan ang may ilang taong pakikipagtunggalian nila sa Makati City.
(Kuha ni Dek Terante)
Makati Park and Garden, Ibabalik sa Paggamit ng Publiko, Ayon sa Taguig; Iginiit din ng Taguig ang Kanilang Karapatan Dito | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito: