Mamamahagi rin simula ngayong araw na ito ng mga libreng uniporme at school supplies ang Makati City government sa 14 na pampublikong paaralan na sakop ng EMBO (Enlisted Men's Barrios) barangays .

Sinabi ni Makati City Mayor Abby Binay na sumulat sila sa Department of Education at pinayagan sila ni Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte na mamahagi sa mahigit 45, 000 mag-aaral sa mga pampublikong elementary at high school sa 10 barangay na inilipat na ng Korte Suprema ang hurisdiksyon sa Taguig City.

News Image #1


Ngayong araw na ito ay magtutungo si Mayor Abby Binay sa Pembo Elementary School para personal na mamahagi ng school supplies. Gagawin ang pamamahagi ng mga uniporme at gamit sa mga eskwelahan sa lahat ng eskwelahan sa EMBO barangays hanggang sa Huwebes bilang paghahabol sa darating na pasukan sa Agosto 29.

Ang liham ng pagpayag ay ipinarating ni DepEd Undersecretary at spokesperson Michael Wesley Poa noong Agosto 22, 2023.

Nagpasalamat si Binay sa DepEd sa pagpayag na ito dahil mawawala na ang pag-aalala ng mga magulang na baka walang maisuot na uniporme at magamit sa eskwelahan ang mga mag-aaral ng EMBO barangays na talagang pinaglaanan na ng Makati bago pa naganap ang desisyon ng paglilipat ng 14 na pampublikong eskwelahan sa Taguig.

News Image #2


Ang pinalawak na Project FREE (Free Relevant and Excellent Education) ng Makati City ang namimigay sa public school students, mula kinder hanggang senior high school, kabilang ang special education students sa elementarya at high school, ng school uniforms at supplies.

Kahapon ay nagsimula na ring mamahagi ang pamahalaang lungsod ng Taguig ng uniporme at school supplies sa mga EMBO barangays kung saan personal na nagtungo si Taguig City Mayor Lani Cayetano sa Pitogo National High School at buong puso naman itong tinanggap ng pamunuan, mga guro, magulang at estudyante ng eskwelahan.

News Image #3


Kabilang sa 14 public schools na ito na dating nasa Distrito Dos ng Makati ay ang Fort Bonifacio Elementary School, Cembo Elementary School, South Cembo Elementary School, Pitogo Elementary School, East Rembo Elementary School, Rizal Elementary School, Comembo Elementary School, West Rembo Elementary School, Pembo Elementary School, Makati Science High School, Benigno "Ninoy" S. Aquino High School, Tibagan High School, Fort Bonifacio High School, at Pitogo High School.

(Mga larawan mula sa Abby Binay at My Makati Facebook Pages at sa Taguig PIO)