Maaaring mawala sa Makati City ang ikalawang upuan nito sa Mababang Kapulungan ng Kongreso samantalang ang Taguig City naman ay posibleng magkaroon ng ikatlong upuan sa Kongreso makaraang ilipat ng Korte Suprema ang sampung barangay na nasa ikalawang distrito ng Makati sa Taguig.
Ito ay bunga ng desisyon ng Korte Suprema na ang Fort Bonifacio at sampu pang mga barangay sa Makati na nasa ikalawang distrito nito ay pag-aari ng Taguig City.
Sinabi ni Parañaque Congressman Gus Tambunting, chairman ng House Legislative Franchise committee na sa paglipat ng mahigit 300, 000 residente ng ikalawang distrito ng Makati sa Taguig, kailangang maisaayos ang pagkakaroon nito ng bagong representasyon.
"This sets the stage for the potential abolition of a legislative district," ayon kay Tambunting dahil ang ikalawang distrito ng makati ay bababa na sa kinakailangang 250, 000 residente ang mga nasasakupan nito.
Ang mga natira sa ikalawang distrito ng Makati ay ang Guadalupe Nuevo, Guadalupe Viejo, at Pinagkaisahan. Ang ikalawang distrito ng Makati ay kinakatawan sa Kongreso ni Congressman Luis Campos, Jr. na asawa ni Makati Mayor Abby Binay.
Kapag nalipat ang Fort Bonifacio at sampung barangay sa ikalawang distrito ng Taguig, ito ay kakatawanin ni Congresswoman Amaro Maria Zamora na mayroong mahigit na 800, 000 constituents.
Samantala, ang Taguig-Pateros naman ay may representante sa katauhan ni Congressman Ricardo Cruz.
Ayon kay Tambunting, kailangang masolusyunan ang apportionment ng mga legislative districts na ito at madesisyunan ng mga pulitikal na sangay ng pamahalaan dahil direkta nitong naaapektuhan ang representasyon at demokratikong karapatan ng mga mamamayan.
(Photo from Facebook Page of Congressman Luis Campos, Jr.)
Makati, Posibleng Mawalan ng Upuan sa Ikalawang Distrito | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito: