Nakuha ng Makati Science High School ng Barangay Cembo, Taguig City, ang unang puwesto sa Chorale Competition na pinaglabanan ng sampung pampublikong eskwelahan sa Taguig, bilang selebrasyon ng World Aids Day noong Disyembre 10, 2024 sa Taguig City University Auditorium.

News Image #1


Inorganisa ng City Health Office ng Taguig sa pamamagitan ng Taguig Social Hygiene Clinic and Drop-in Center ang naturang paligsahan sa pag-awit na may temang "Take the Rights Path: My Health, My Right," na naglalayong palawakin ang kaalaman at magsulong ng pagdamay at pagtulong sa mga apektado ng sakit ng human immunodeficiency virus (HIV) at acquired immune deficiency syndrome (AIDS), lalo na sa mga kabataan.

News Image #2


Nakuha ng Taguig Science High School ang ikalawang puwesto at nasa ikatlong puwesto naman ang Pitogo High School.

Ang mga acapella na pagtatanghal ng mga kabataan ay sumentro sa mga awiting may kinalaman sa pagmamahal sa kapwa, pagbibigy ng pagasa, inspirasyon at pang-unawa. Umawit din sila ng mga awiting Pamasko.

News Image #3


Kasunod nito, binigyan din ng parangal ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig ng Top 3 HIV Testing Champions, o ang mga health centers na may pinakamaraming isinailalim sa HIV test mula Nobyembre 18 hanggang 22, 2024.

Nasa unang puwesto ang Barangay Pinagsama Health Center na may 3,243 indibidwal na tinesting, nasa ikalawang puwesto naman ang Barangay North Signal Health Center na may 3,017 indibidwal na tinesting, at ikatlong puwesto naman ang Barangay Western Bicutan Health Center na may 2,811 indibidwal na na-testing.

Sa Pilipinas, may 1, 300 katao ang nasawi sa AIDS noong 2022, at tinatayang umaabot na sa 11, 000 na mga bata ang naulila dahil nasawi sa AIDS ang kanilang mga magulang batay sa pinakahuling bilang noong 2022.

Tinataya namang nasa 190,000 katao sa Pilipinas ang namumuhay na may HIV. Ang National Capital Region (NCR) pa rin ang may pinakamataas na kaso ng HIV sa bansa.

(Mga larawan mula sa Taguig Social Hygiene Clinic and Drop-in Center)