Ang $3.5 billion o P199 bilyong Makati City Subway project ay apektado ng desisyon ng Korte Suprema kaugnay ng paglilipat ng hurisdiksyon ng Fort Bonifacio at mga EMBO (Enlisted Men's Barrios) Barangays sa Taguig City mula sa Makati City.

News Image #1


Sumulat noong Setyembre 5 ang pribadong kumpanyang Philippine Infradev Holdings, Incorporated, na nasa likod ng ginagawang Makati City subway, sa pamahalaang lungsod ng Makati dahil kailangan anilang baguhin ang ilang aspeto ng proyekto.


Sa liham na ipinadala ni Delfin Angcao, Corporate Secretary at Corporate Information Officer ng kumpanya, sinabi nito sa pamahalaang lungsod ng Makati na "under the Joint Venture Agreement executed between the Makati City Government and the Company, the depot and a few stations of the Makati City subway system will be in the affected areas. Also, the alignment of the subway will no longer be feasible."

News Image #2



Ang ilan sa mga istasyong maaapektuhan ng posibleng pagbabago sa Makati City subway ay ang nasa University of Makati sa Barangay West Rembo, Kalayaan Avenue sa Barangay Cembo, at sa Sampaguita Street sa may Ospital ng Makati sa Barangay Pembo.

News Image #3



Sinabi ng Infradev Holdings na hinahangad nilang makipagpulong sa pamahalaang lungsod ng Makati upang alamin kung anong gagawin sa pagpapatuloy ng proyekto.

Ang kauna-unahang subway sa bansa ay inaasahan sanang matatapos sa taong 2025. Nagkaroon ng ground breaking para rito noong Disyembre 2018.

Bukod sa Infradev Holdings, kasama rin sa proyekto ang mga kumpanya ng Greenland Holdings Group, Jiangsu Provincial Construction Group Co. Ltd., Holdings Ltd. at China Harbour Engineering Company Ltd.

(Mga larawan mula sa Philippine News Agency at Infradev Holdings Inc)