Sumagot na ang pamahalaang lungsod ng Taguig sa pahayag ng pamahalaang lungsod ng Makati kaugnay ng "standoff" sa pagitan ng mga otoridad ng Taguig City at Makati City sa Makati Park and Garden sa Barangay West Rembo kahapon ng umaga, Marso 1, 2024.

News Image #1


Tinangka diumano ng mga tauhan ng Traffic Management Office ng Taguig City na pasukin ang Makati Part at nagtayo ng tent sa kahapon ng umaga na pinigilan naman ng mga guwardiya ng Makati City Park na nasa employment ng Makati City Hall.

Agad na rumesponde ang mga pulis at traffic enforcers upang masiguro na magiging mapayapa ang sitwasyon na may kinalaman pa rin sa isyu ng hurisdiksyon sa mga pampublikong pag-aari sa EMBO (enlisted men's barrio) barangays.

News Image #2


Nagpalabas ng pahayag ang pamahalaang lungsod ng Makati na ang Makati Park ay bahagi ng ipinundar ng Makati, gamit ang buwis ng mga mamamayan ng Makati.

"In October last year, Makati City filed an Urgent Motion before Branch 153 of the Regional Trial Court of Taguig to issue a status quo order against Taguig City, citing a number of attempts made by the latter to forcibly take possession of Makati-owned facilities in the 10 EMBO barangays. These included attempts to enter the premises of a housing project owned by Makati and seize several school buildings and health centers in the affected barangays," ang bahagi ng pahayag ng Makati City.

News Image #3


Ngayong araw na ito, Marso 2, 2024, ay naglabas na ng pahayag ang Taguig City bilang tugon at sinabing mahigit 3 dekada nang ilegal na kumokolekta ng buwis sa lupain at negosyo sa EMBO (enlisted men's barrio) barangays ang Makati City.

"Tinuldukan na ng Korte Suprema ang usaping ito. Walang karapatan ang Makati na akusahan ang Taguig ng pangangamkam ng lupa. Ang Korte Suprema mismo ang nagsabi na ilegal na kinamkam ng Makati at inukupahan ng mahigit tatlong (3) dekada ang 10 EMBO barangay. Walang kredibilidad ang Makati na magkunwaring ninanakawan sila ng lupa at pasilidad gayong sila ang nahusgahang nangamkam ng teritoryo ng Taguig," ang pahayag ng pamahalaang lungsod ng Taguig.

"Imbes na ipagpatuloy ni Mayor Abby Binay ang sadyang pananabotahe at pagpapakita ng poot sa lahat na lamang ng kanyang ginagawa, makabubuti na simulan na lamang ang proseso ng pagtanggap at paghariin ang interes ng publiko," dagdag pa ng Taguig City.

News Image #4


News Image #5


Ang sampung EMBO barangays na kinabibilangan ng kabuuan ng Fort Bonifacio, Cembo, Comembo, East Rembo, Pembo, Pitogo, Post Proper Northside, Post Proper Southside, Rizal, South Cembo at West Rembo ay pinal nang dinesisyunan ng Korte Suprema na pag-aari ng Taguig City at hindi ng Makati City.

(Screenshots mula sa video nina Jayson Pulga at Dek Terante)
(Art cards ng Makati City at Taguig City governments)