Katulad ng nakaraang Kapaskuhan, iuurong ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang oras ng operasyon ng malls sa Metro Manila sa layuning mabawasan ang bigat ng daloy ng trapiko.

News Image #1

(Larawan ni Dexter Terante)

Ipinatigil din ng MMDA ng mga paggawa o paghuhukay sa daan, maliban na lamang kung mga prayoridad na proyekto ng gobyerno ang mga ito tulad ng pagkukumpuni ng mga tulay.

Nakapaloob sa Memorandum Circular No. 15 ng MMDA na ang operasyon ng mga shopping malls sa Metro Manila ay alas 11:00 ng umaga hanggang alas 11:00 ng gabi simula sa Nobyembre 18, 2024 hanggang sa Disyembre 25, 2024. Ito ay ipatutupad sa 131 malls sa National Capital Region (NCR).

News Image #2

News Image #3

(Larawan ng MMDA)

Ipagbabawal din ang mga mall-wide sales sa naturang petsa, subalit maaaring magsagaw ng sale sa weekday ang mga indibidwal na tindahan o outlet na nasa loob ng mall, basta't may karampatang anunsyo o patalastas.

Ang mga magde-deliver naman sa shopping malls ay maaari lamang magsagawa ng kanilang paghahatid ng mga produkto mula alas 11:00 ng gabi hanggang alas 5:00 ng umaga, maliban na lamang kung ang dala ng mga ito ay madaling mabulok o perishable.

Mula Nobyembre 18, 2024 hanggang Disyembre 25, 2024 ay ipahihinto rin ang mgaa paghuhukay sa mga daan sa Metro Manila katulad ng road reblocking, paglalagay ng mga tubo at iba pang construction works na makakaabala sa trapiko.

Gayunman, ang mga government flagship projects, pagkumpuni ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ng mga tulay, proyekto para sa pagresolba ng pagbabaha at mga emergency leak repairs ay hindi kasali sa pansamantalang suspensyon.

Hihilingin din ng MMDA sa Department of Transportation (DOTr) na palawigin ang kanilang oras ng opersyon sa mga public transport systems kabilang ang EDSA Bus Carousel, LRT, at MRT.