Nakapiit na sa Bureau of Immigration (BI) Detention Facility ang sinasabing manager ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub na ni-raid sa Porac, Pampanga makaraang maaresto ito sa Davao International Airport noong Hunyo 23, 2024.

Pinigilan ang paglipad ni Zhang Jie, 30 taong gulang, patungo sana sa Jinjiang, China nang makita ng mgta tauhan ng BI na kasama ang pangalan nito sa immigration lookout bulletin order (ILBO) na inisyu makaraang ipag-utos ng Department of Justice laban kina Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, Guo Hua Ping at 17 iba pa.

News Image #1

(Larawan mula sa Bureau of Immigration)

Nakita ring may problema sa visa ni Zhang nang dineklara nitong wala siyang trabaho gayong ang visa niya ay 9 (g) commercial employment visa.

Ang mga dayuhang tumiwalag na sa kanilang pinag-ta-trabahuhan mula sa nagpetisyon sa kanilang kumpanya ay kailangang isuko muna ang kanilang ACR I-Cards at pa-downgrade ang kanilang visa.

Gayunman, sa bisa ng ILBO na inilabas batay sa kautusan ng DOJ na representante ng Inter-Agency Council Against Trafficking, nasa listahan si Zhang ng mga dayuhang hindi basta puwedeng palabasin sa bansa dahil sa kasong kakaharapin ng mga ito.

Sa ngayon ay nasa piitan ng BI sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City si Zhang.