Paghahasa at matinding pagsasanay ang dadaanan ng mga kasundaluhan ng Pilipinas bukod sa pagbibigay sa kanila ng mga makabagong kagamitan sa depensa at pakikipaglaban.

Ito ang tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa graduation ng Philippine Army Officer Cadidate Course "Gaigmat" Class 58-2023 sa Fort Bonifacio, Taguig City kamakailan.

"Be assured, the government's dedication to your advancement and welfare goes beyond providing modern equipment alone. We continue to prioritize retooling and retraining to arm you with intellectual fortitude, with tactical prowess, and strategic acumen to thrive in the modern battlefield," ayon sa Pangulo na siyang Commander-in-Chief ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

"I invite you to join me and this administration in building a better, safer, and more secure nation for all Filipinos in the years to come," dagdag pa niya.

Isandaan at anim na sundalo ang nagtapos sa Officer Candidate School na nagbigay sa kanila ng isang taong training sa pagiging sundalo at sa pamumuno. Sa pagkakakumpleto sa kurso, ang mga gumraduate na officer candidates ay naging Second Lieutenants na.

News Image #1


Sa hiwalay namang panayam sa tagapagsalita ng AFP na si Col. Medel Aguilar, sinabi nitong nakaka-tatlumpu't anim na porsiyento na ang nakukumpleto sa 150 proyektong pinlano para sa modernisasyon ng sandatahang lakas upang magkaroon ng kapabilidad ang mga sundalo na maipagtanggol ang teritoryo ng bansa mula sa panlabas na panganib at pagbabanta.

(Larawan mula sa Philippine News Agency)