Isang Operation Mega Libreng Tuli ang isasagawa ngayong Lunes, Hulyo 15, 2024, ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig para sa mga hindi nakapagpatuli sa panahong nagbara-barangay ang mga doktor at nars ng Taguig Medical Assistance Office.

Ang Operation Mega LibrengTuli ay isasagawa mula alas 6:00 ng umaga hanggang alas 2:00 ng hapon sa Multipurpose Building 2, Veterans Road, Barangay Western Bicutan, Taguig City,

News Image #1

Inaanyayahan ang mga kalalakihang Taguigenong hindi pa nakapagpatuli na samantalahin ang pagkakataon para sa libreng circumcision - bata man o matanda.

Nakapagsagawa na ng Operation Libreng Tuli ang Pamahalaang Lungsod ng Taguig sa iba't ibang barangay nitong pagtatapos ng pasok sa eskwelahan kung saan daan-daang mga kabataang lalaki na ang nabigyan ng serbisyo.

Bukod sa operasyon, binibigyan din ng libreng antibiotics, pain relievers at gabay sa tamang pangangalaga ng aring natuli.

Kinakailangang nakakain na ang batang sasailalim sa operasyon o magbaon ng kakainin habang naghihintay.

Dalhin din ang
- Consent Form na makukuha sa inyong barangay
- Identification (ID) Card ng pasyente at guardian

Ang Operation Libreng Tuli ay taunang programa ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig City sa layuning maibsan ang gastusin at matiyak ang kalusugan ng mga batang kalalakihan sa Taguig.

Ang pagtutuli ay isang operasyon kung saan tinatanggal ang balat na nakatakip sa ulo ng ari ng lalaki na tinatawag na foreskin.

News Image #2


Mayroon itong mga benepisyo sa kalusugan tulad na mas madaling linisin ang ari, mas napapababa ang tsansa ng pagkakaroon ng urinary tract infection o UTI, mas napapababa rin ang panganib ng sexually transmitted infection, natutulungang mahadlangan ang problema sa ari lalo na kung ang balat ng hindi natuli ay mahirap hatakin para malinis, at nababawasan din ang panganib ng penile cancer.

(Mga larawan mula sa Taguig PIO)