Nakikipagtulungan na ang Department of the Interior and the Local Government (DILG) sa Commission on Elections (COMELEC) upang ihanda ang mga bagong barangay ng Taguig City sa eleksyon sa barangay na isasagawa sa Oktubre 30, 2023.

Sinabi ni DILG Secretary Benhur Abalos na noon pa lamang Mayo 3, 2023 ay sumulat na ang DILG sa Korte Suprema upang bigyan sila ng gabay sa implementasyon ng desisyon nito kaugnay ng sampung barangay na apektado ng territorial dispute ng Taguig at Makati.

News Image #1


Habang hinihintay ang karagdagang kautusan mula sa korte, sinabi ni Abalos na binuo na nila ang mga transition teams para tugunan ang kinakailangan para sa maayos na paglilipat ng teritoryo.

"Comelec Chairman George Garcia and I agree that it's imperative to take action because there's not much time left before the elections. We respect the Supreme Court's definition of the cities' territorial boundaries and are coordinating accordingly," ayon kay Abalos.

Kaugnay naman ng mga ahensiyang nasa ilalim ng pamamahala ng DILG, sinabi ni Abalos na nakikipag-ugnayan na rin sila sa mga hepe ng Philippine National Police (PNP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at Bureau of Fire Protection (BFP) para mabago ang mga lugar na nasasakupan ng responsibilidad ng mga ito at kung saan sila magre-report makaraan ang paglilipart ng hurisdiksyon ng dating Distrito dos ng Makati tungo sa Taguig.

Ang mga aksyong ito, ayon kay Abalos, ay sumasakop lamang sa isyu ng pamamahala sa teritoryo. "As for specific rights or obligations over affected property, these will be dealt with in accordance with the procedure provided by law. We will also respect any further court orders in this regard."

Noong Setyembre ng nakaraang taon, nagdesisyon na ng pinal ang Korte Suprema sa kasong Makati vs. Taguig na kumukumpirma na ang Fort Bonifacio Military Reservation, na nakakasakop sa Parcels 3 at 4, Psu-2031, ay bahagi ng Taguig City, at hindi ng Makati City.

(Larawan mula sa Facebook Page ni DILG Secretary Benhur Abalos)