Pinayuhan ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang mga nagba-biyahe na magsuot ng face mask kapag nasa loob ng Ninoy Aquino International Airport.

News Image #1


Ito ay sa harap ng bacteria na kumakalat ngayon sa Japan na tinatawag na Streptococcal Toxic Shock Syndrome (STSS).

Kabilang sa mga unang simtomas nito ay paglalagnat, pagkaginaw, pananakit ng kalamnan, pagkahilo at pagsusuka. Sinasabi ring sa loob lamang ng 24 hanggang 48 oras ng paguumpisa ng simtomas, maaaring bumaba ang presyon ng dugo, bumagsak ang mga organs, tataas ang pagtibok ng puso, bibilis ang paghinga at may mabubulos na tissues sa katawan.

Sa pinakahuling ulat sa Japan noong Hunyo 2, 2024, umabot na sa 977 ang kaso ng may STSS, isang malaking pagtaas kumpara sa mga nakaraang taon.

Nilinaw naman ng MIAA na ang pagpapasuot ng face mask kapag nasa paliparan ay isa lamang rekomendasyon subalit hindi ito mandatory o ipinag-uutos. Pinapahugasan din o alcohol ang mga kamay at pinapatakpan ang bibig at ilong kapag umuubo o humahatsing.

News Image #2


Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan ang MIAA sa Department of Health at sa Bureau of Quarantine sa pagmomonitor ng mga pasaherong pumapasok sa bansa.

(Kuha ni Vera Victoria)