Hindi makakaboto para sa posisyon ng Kongresista sa eleksyon sa 2025 ang sampung EMBO (enlisted men's barrio) barangays dahil wala pang malinaw na kakatawan sa mga ito.


(Bahagi ng video mula sa PTV 4)

Sinabi ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Garcia na ang mga bagong Taguigeños mula sa EMBO barangays ay makakaboto lamang para sa Senador, Party-List Representatives, Mayor, Vice Mayor, Sangguniang Panglungsod, at Barangay officials.

News Image #1

(File Photo ng Taguig PIO)

"Remember kayo po ay nakaboto na sa Barangay at SK Elections ng Taguig, sapagkat kayo po ay bahagi na ng Taguig base sa desisyon ng Korte Suprema. Pero sa eleksyon sa 2025, hindi po kayo makakaboto for the position ng congressman sapagkat sa kasalukuyan hindi alam ng Comelec kung saang distrito kayo sa dalawang distrito ng Taguig kabilang," ayon kay Garcia.

Sinabi pa ni Garcia na walang kapangyarihan ang Comelec upang basta ilagay ang 10 EMBO barangays sa anuman sa dalawang distrito ng Taguig City.

"Ang kapangyarihan para sabihin sa mga barangay kung saang distrito ay nasa Kongreso. Noong ginawa po nila ang batas na ang Taguig ay may first district at second district, naka-enumerate po doon kung ano ang barangays na nandoon." Dagdag pa ni Garcia.

Sinabi ni Garcia na ganito rin ang ginawa nila sa 63 barangay sa Bangsamoro.

Gayunman, kung maipapasa ang isang bagong batas na magbubuwag sa ikalawang distrio ng Makati, na dating pinagbobotohan ng mga EMBO barangays, at maitatang ang ikatlong distrito sa Taguig, sinabi ni Garcia na maghahanda sila ng mga bagong balota para sa pagbabagong ito.

Ang mga botante ng EMBO barangays na apektado ng sitwasyong ito ay ang mga residente ng Barangays Pembo, Comembo, Cembo, South Cembo, West Rembo, East Rembo, Pitogo, Rizal, Northside at Southside.

Noong Abril 2023, nagdesisyon ang Korte Suprema na ilipat ang 10 EMBO barangays sa Taguig City mula sa Makati City dahil ang Taguig anila ang may karapatan sa 729 na ektaryang Bonifacio Global City ay ang 10 barangay sa Makati na dating nasa ikalawang distrito nito.