Tinupad ng pamahalaang lungsod ng Taguig ang pangako nitong iaabot sa mga bagong residente ng lungsod sa EMBO (Enlisted Men's Barrio) barangays ang pagtulong sa pamamagitan ng pagbibigay ng scholarship allowance sa 387 bagong Lifeline Assistance for Neighbors In-need (LANI) Scholarship beneficiaries mula sa mga naturang barangay.

News Image #1


Ang mga scholars ay nakatanggap ng mula P15,000 hanggang P110,000, depende sa tipo ng kanilang scholarship.

Ang mga may semestral weighted average ng 88.75 pataas ay nakatanggap ng dagdag na P5,000.

Unang batch pa lang ng scholars ang 387 residente ng EMBO barangays na nakatanggap na ng allowance.

News Image #2



Umaabot na sa 5,000 ang aplikante para sa scholarship allowance mula sa EMBO barangays.

Bago ang distribusyon, nagsagawa ang pamahalaang lungsod ng Taguig ng pagbibigay ng imbitasyon at paalala sa mga estudyanteng kwalipikado para sa programa. Pinadalhan din ng email ang mga aplikanteng natanggap.

News Image #3


Tiniyak ni Taguig City Mayor Lani Cayetano na ang lahat ng mga estudyanteng nagnanais na makatapos ng pag-aaral sa kolehiyo ay matutupad ang mithiin na makakumpleto ng technical - vocational courses o degree sa kolehito o kahit post-graduate studies.

Hindi lamang ang top 10 percent sa eskwela ang binibigyan ng scholarship kung hindi lahat ng gustong maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral makalipas ang high school.

"Binuksan natin ang scholarship program sa lahat ng gustong makapag-aral at makapagpatuloy sa kolehiyo. Sa Taguig, we recognize na may iba't ibang klase ng katalinuhan at ito ay hindi nasusukat sa academic excellence lamang. We believe that your gifts or your talents in art or music or sports are also a form of intelligence," ayon kay Cayetano.

Isa sa mga nakatanggap ng scholarship allowance si Ron Alvin Balbuena, isang 4th year Information Technology student sa University of Makati at residente ng West Rembo.

Ayon kay Balbuena, sa scholarship program sa Makati na dating nakakasakop sa kanila sa West Rembo, ang maaari lamang makakakuha ng scholarship allowance ay ang mga matataas ang grado.

"Kailangan po maabot mo yung required grade lalo na sa major subjects," ang kuwento ni Balbuena.

Sinabi ni Balbuena na makakatulong ang ibinigay sa kanyang scholarship allowance ng Taguig para mabawasan ang alalahanin ng kanyang magulang sa mga dagdag gastos sa eskwelahan.

Sinabi naman ng kanyang nanay na si Susan na malaking tulong sa kanila ang scholarship allowance.

"Minsan po hindi ko naibibigay sa kanya ang mga kailangan niya sa school. Ngayon hindi na po ako mamomroblema dahil sinagot na po ito ng LANI scholarship. Maraming salamat po."

Naniniwala naman si Cayetano sa pamumuhunan sa edukasyon.

"Investing in education is investing in the city's strong foundation," dagdag ng alkalde.

Natulungan na ng pamahalaang lungsod ng Taguig ang may 83,000 scholars at nakapagtapos na rin ng mahigit sa 3, 500 lisensiyadong propesyonal. Mahigir sa 50 rito ang pumwesto sa Top 10 sa mga board ecams, kabilang na ang topnotcher sa pinakahuling Registered Electrical Engineering Board, at ang pumangalawa sa Criminology Board.

(Photos by Taguig PIO)