Nagkatulakan sa harapan ng Israel Embassy sa Bonifacio Global City (BGC) ang mga kabataang nagsagawa ng kilos protesta roon at ang mga marshals ng BGC kasama ang mga pulis ng Taguig City noong Mayo 15, 2024.

News Image #1


Nag-martsa ang Youth for Palestine-Taguig at ilang nagpakilalang mga estudyante ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) patungo sa harap ng Avecshares Center sa University Parkway BGC, Taguig City, bilang paggunita sa ika-76 na taon ng Nakba.

News Image #2


Ang Nakba na ang ibig sabihin sa Inggles ay catastrophe, ay ang isinagawang ethnic cleansing ng mga Palestinians sa 1948 Palestine war sa pamamagitan ng bayolenteng pagpapalayas at pagkuha sa kanilang mga lupain at pag-aari, pagsira sa kanilang lipunan at pagpigil sa kanilang kultura, pagkakakilanlan at karapatang pampulitika at pambansa.

Iniuugnay rin ito ngayon sa nangyayaring karahasan sa Gaza.

Ayon sa mga kabataang nagsagawa ng kilos protesta, matahimik lamang nilang isinasatinig ang kanilang pagkondena sa karahasan na anila ay isinasagawa ng Israel laban sa mga mamamayang Palestino nang buwagin ng mga pulis at BGC marshals ang kanilang demonstrasyon.

Idinagdag ng isang miyembro ng Anakbayan Taguig na nasa rally na may mga nasaktan sa mga kabataang kasama nila sa rally dahil hinampas diumano ng bakal na shield ng mga pulis na nagbuwag sa kanilang hanay.

Sinabi naman ng Taguig City Police na ang pagpapaalis sa mga kabataang nag-kilos protesta ay dahil sa ilegal ang ginawa ng mga ito bunga ng walang permiso ang grupo upang magbuklod-buklod. Pinayagan pa rin namang magprograma ang mga ito sa may Katipunan.

Nagbigay naman ng katiyakan si Police Colonel Christopher Olazo, hepe ng Taguig City Police na tutugunan niya ang reklamo ng sinumang magahharap ng kaso laban sa mga nakapanakit sa mga nag-protestang kabataan.

(Mga larawan mula sa Facebook Page ng Anakbayan Taguig)