Nagmistulang piyesta ang unang araw ng paghahain ng kandidatura ng mga tatakbo sa halalan sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) sa Taguig City kanina, Agosto 28, 2023. (Tingnan ang mga kuha ni Hermie Padilla, isang siklista at miyembro ng Taguig.com Group).



Nagmartsa ang mga taga-suporta ng mga kakandidato, kasama ang mga taga-tambol, patungo sa Taguig Convention Center sa bagong Taguig City hall para sa kanilang pagsusumite ng kanilang Certificate of Candidacy (CoC).

Bukod sa orihinal na 28 barangay ng Taguig, ang mga kakandidato sa 10 bagong barangay nito mula sa EMBO (Enlisted Men Barrio) ay naghain din ng kanilang CoC sa Taguig Convention Center.

News Image #1


Nagsipaglagdaan din ang mga aspirante para sa Baranggay at SK Elections (BSKE) na isasagawa sa Oktubre 30, sa isang malaking tarpaulin na nagsasaad ng kanilang pangakong makikipagtulungan sila para sa isang malinis, matapat at maayos na eleksyon. Sinaksihan ito nina Comelec Chairman George Garcia at Taguig City Mayor Lani Cayetano.

News Image #2


Ang paghahain ng CoC ay tatagal hanggang Setyembre 2, 2023. Ang mga botante naman sa EMBO barangays ay hindi na kailangang magpalipat ng kanilang pagboto sa Taguig dahil otomatiko na silang ililipat sa Taguig makalipas ang desisyon ng Korte Suprema na ang Parcels 3 at 4 ng Fort Bonifacio Military Reservation ay pag-aari ng Taguig City at hindi ng Makati City.

(Video ni Hermie Padilla)

(Mga larawan mula sa Philippine News Agency)