Hindi na makakalusot ang mga gumagamit ng pekeng persons with disabilities (PWD) ID dahil sa ilulunsad ng National Council on Disability Affairs (NCDA) na Unified Identification (ID) system

Ang sistemang ito ay magkakaroon ng pilot testing mula Enero hanggang Hunyo ng taong ito, at magkakaroon ng pormal na malawakang paggamit sa buong bansa sa Hulyo.

News Image #1

(Larawan ni Marou Sarne)

Sinabi ni NCDA Executive Director Glenda Relova na ang hakbanging ito ay isasagawa upang mahinto na ang ilegal na pag-iisyu, pagbebenta at paggamit ng pekeng PWD ID.

Sa bagong unified ID system para sa mga PWD, magkakaroon ng isang physical at isang digital ID na may biometric data upang maiwasan ang pamemeke.

Ang physical ID ay gawa sa PVC na may RFID at advanced security features na magagamit kahit offline.

Ang digital ID naman ay maaaring makita sa pamamagitan ng mobile app o web portal na may QR code para sa beripikasyon ng establisamyento o serbisyong nagbibigay ng diskwento sa PWD.

Ang naturang mobile app at web portal ay naka-ugnay sa Philippine Registry for Persons with Disability.

Ang unified ID system ay pamamahalaan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at NCDA, sa pakikipagtulungan ng local government units at ang kanilang sariling Persons with Disability Affairs Office (PDAO).

Layunin nitong matanggal ang mga nagpapanggap na PWD na gumagamit ng pekeng PWD ID para maka-diskwento na isang paglabag sa karapatan ng tunay na mga PWDs sa ilalim ng Republic Act (RA) 10754 o ang "An Act Expanding the Benefits and Privileges of Persons with Disabilities."