Nilinis ng mga tauhan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang mga nagtitinda sa ilalim ng tulay sa C5 Road bahagi ng Taguig City noong Biyernes, Disyembre 20, 2024, bilang bahagi ng kanilang isinasagawang clearing operations.

News Image #1

(Larawan ng MMDA)

Kinuha ng clearing team ang mga nakalatag na lamesa sa ilalim ng tulay na ikinagalit naman ng mga nagtitinda.

Naging emosyonal ang isang mag-asawa na umaasa ng kanilang ikabubuhay sa pagtitinda sa ilalim ng tulay. Anila, kung kailan magpa-Pasko ay saka pa sila inoperasyon.

Gayundin, sinabi nila na naghahanapbuhay lamang sila ng marangal kaya't hindi dapat sila hinuhuli na parang magnanakaw.

Ayon naman sa MMDA, bawal magtinda sa lay-by sa ilalim ng tulay dahil ito ay para lamang sa emergency at silungan ng mga riders kapag umuulan.

Sinabi ni Gabriel Go, OIC ng Special Operations Group Strike Force ng MMDA na hindi naman sila kalaban ng mga mahihirap kung hindi ipinatutupad lamang nila ang tama.

Maging ang mga ilegal na pumarada sa ilalim ng tulay ay hindi rin pinatawad ng MMDA. Anila, nais lamang nilang maging ligtas ang kalsada at maipatupad kung ano ang tama.