Inaanyayahan ang mga nagnanais na magbigay ng kanilang dugo bilang pandugtong-buhay sa nangangailangan nito sa isasagawang Blood Donation Drive sa Taguig Pateros District Hospital (TPDH) simula ngayong alas 7:00 ng umaga, Enero 4, 2025.

News Image #1

(Larawan mula sa Page ng Taguig Pateros District Hospital)

Isandaan at dalawampung donors ang tatanggapin ng TPDH sa Auditorium na nasa ika-apat na palapag ng ospital sa Barangay Western Bicutan, Taguig City.

Kung hindi makakapunta ngayong Sabado, mayroon pang blood donation drive sa TPDH sa Enero 8, 15, 18, at 22, 2025.


Libre ang blood screening at physical checkup sa mga blood donors na dapat ay nasa edad na 16 hanggang 65 taong gulang, hindi bababa sa 110 libra ang timbang, at malusog at walang sakit sa panahon ng pagdo-donate ng dugo.


Ang itinulong na dugo ay maaaring makasagip ng tatlong tao, ayon sa TPDH. Makakatulong din ito sa kalusugan ng nagbigay ng dugo dahil mapapanatili nitong maganda ang puso at normal ang presyon ng dugo.

Para sa dagdag na paliwanag, maaaring makipag-ugnayan sa: 0923 992 3825.