Natulungan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga bata at mga matatandang wala nang pamilya sa Taguig, Pasay. Caloocan, Paranaque, Pasay, Manila at Quezon City na magkaroon ng pansamantalang matutuluyan.
Simula Hulyo, sa pamamagitan ng Oplan Pag-Abot, nailigtas nila sa kalsada ang 28 mga batang walang kamag-anak, 174 na matatandang wala na ring pamilya, at maging ang 47 pamilya o 142 indibidwal na natutulog sa lansangan.
Dinala ang mga ito sa mga sentrong pinatatakbo ng DSWD at ng mga lokal na pamahalaan para pansamantalang kalingain at mabigyan ng kinakailangang probisyon at iba pang interbensyon.
Sa ilalim ng programa, nakakuha ang DSWD ng 12 bagong sasakyan na gagamitin para sa pagsasalba ng mga street children at mga matatandang sa lansangan din nakatira.
Patuloy na mag-iikot ang Oplan Pag-Abot team sa 16 na lugar sa National Capital Region simula ngayong Setyembre upang maghanap pa ng kanilang maisasalba sa lansangan.
Sinabi ni Froilan Maglaya, team leader ng Oplan Pag-Abot, na malaking bagay ang mga sasakyang ito para sa kanilang operasyon na hinahangad nilang magawa rin sa mga lalawigan.
Ang mga bata at matatandang kanilang kinakalinga ay hinahanapan din nila ng permanenteng solusyon sa problema ng mga ito.
(Photos by DSWD)
Mga Nakatira sa Lansangan ng Taguig at iba pang Lugar, Nailigtas ng DSWD | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito: