Naapektuhan din ang mga paliparan sa Pilipinas ng global cyber outage bunga ng biglang paghinto ng operasyon ng Microsoft Windows devices kahapon, Hulyo 19, 2024.

Nagsiksikan ang mga pasahero sa mga paliparan dahil kinailangang i-manual ng mga tauhan ng paliparan ang mga proseso sa pagba-biyahe, kabilang na ang pagche-check in.

Ayon sa ilang pasahero, naka-sulat-kamay na lamang ang direksyon sa kanilang gate assignment sa Ninoy Aquino International Airport.

Kanselado ang ilang flights ng Cebu Pacific dahil sa system error. Naapektuhan din ang flights ng Air Asia.

News Image #1

(Larawan ni Vera Victoria)

Hindi gumagana ang proseso sa pagche-check-in, self-check-in kiosks, at mobile application dahil sa cyber outage.

Sa labas ng bansa, apektado ang mga paliparan ng Los Angeles, California, at Washington, DC ng tinatawag na "Blue Screens of Death" sa kanilang sistema.

Na-stranded din ang mga pasahero sa Berlin, Germany, at Spain dahil sa mga flight cancellations at pagkaantala, gayubdin sa Amerika, Australia, Singapore, Netherlands, Portugal, India, Dubai, at France.

Naapektuhan din ng pagbagsak ng sistema ng mga computer at iba pang electronic devices na pinatatakbo ng Microsoft Windows ang mga nagbebenta, telecommunication companies, banking at media outlets sa iba't ibang bahagi ng mundo.

Ayon sa US cybersecurity company na CrowdStrike, ang outage ay nagyari dahil sa isyu sa kanilang Falcon Sensor dahilan upang mag-crash ang Microsoft.

Tiniyak naman ng CEO ng CrowdStrike na si George Kurtz na walang kinalaman sa hacking o cyber attack ang pangyayaring ito.

News Image #2


Patuloy namang mino-monitor ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang pangyayari at tiniyak na hindi sila apektado ng insidente dahil mayroon silang ibang cybersecurity provider.