Wala pang tinanggal sa tungkulin sa mga pulis-Taguig na may kinalaman sa barilan sa Taguig Central Police Station (CPS) noong Agosto 7, 2023.

Ayon sa Southern Police District (SPD), iniimbestigahan pa nila ng mabuti ang pangyayari upang malaman kung sino ang dapat managot dito.

"We want to assure the public that this incident is being treated as an isolated case. As of now, we believe there is no need to relieve the involved police officers from their duties. However, we assure the family and the public a thorough, impartial and swift investigation to ensure that all aspects of the incident are comprehensively addressed," ayon sa pahayag na inilabas ng SPD.

Nais ng pamunuan ng SPD na maging patas sa kanilang imbestigasyon at mahukay ang pinagmulan ng alitan na nauwi sa barilan at ikinamatay ng isa sa mga pulis ng Community Affairs Office ng Taguig CPS.

Kasabay nito, sinabi ng SPD na palalakasin nila ang kanilang programa sa stress management at disiplina sa mga kapulisan.

Pinasalamatan din ng pamunuan ng SPD si Corporal Jestoni Señoron na agad na sinawata ang isang nagwala at namaril na pulis sa pamamagitan ng pagbaril dito.

"His active presence of mind and timely response helped neutralize the suspect and protect his colleagues, including the two female personnel present in the office," dagdag na pahayag ng SPD.

Nasa pagamutan pa rin si Chief Master Sergeant Alraquib Aguel na binaril ni Señoron upang mapigil sa pagwawala sa galit at pamamaril sa loob ng Taguig CPS.

Nasawi naman si Executive Master Sergeant Heriberto Saguiped makaraang barilin ni Aguel. Nakaburol si Saguiped sa Barangay Santa Ana, Taguig.

News Image #1


Ginagamot din ngayon sa ospital si Corporal Louie Allison Sindac na nabaril din ni Aguel.

Batay sa kwento ng ilang saksi, ang ulam na sinigang na baboy ang pinagmulan ng pagtatalo nina Aguel, Sindac at Saguiped.

(Larawan mula sa SPD-PIO)