Isang motorcade rally ang isinagawa ng ilang residente ng EMBO (enlisted men's barrio) barangays kahapon, Enero 30, 2024, mula Barangay Pinagkaisahan sa Makati City hanggang Liwasang Bonifacio, Manila.
Layon ng motorcade na hilingin na ibalik sila sa pamamahala ng Makati City mula sa Taguig City.
Ayon sa isa sa mga lumahok sa motorcade rally na si Chris Bugna, nanghihinayang siya sa mga benepisyong nawala sa kanila nang malipat sa Taguig.
Sinabi nitong ang kanyang ama na umaabot sa P1.3 M ang gastusin sa pagpapagamot bawat buwan ay binabayaran lamang nila ng P500 sa Ospital ng Makati sa ilalim ng yellow card.
Nag-aalala naman si Aiza Manzanillo, isa rin sa mga nagpakilalang residente ng EMBO barangay dahil ang kanyang anak ay 3 beses na nagda-dialysis sa isang linggo.
Una rito, nagpalabas na ng pahayag ang pamahalaang lungsod ng Taguig na walang dapat ipangamba ang mga residente ng EMBO barangays pagdating sa pangangalaga sa kanilang kalusugan dahil mayroon din silang pagamutan - ang Taguig Pateros District Hospital.
Mayroon ding sariling dialysis center ang Taguig na nasa Barangay North Signal bukod pa sa 24/7 diagnostic at laboratory services na nasa naturan ding barangay, 3 super health centers, mga health centers sa bawat barangay, satellite pharmacies para sa libreng gamot at nagsasagawa rin sila ng medical at dental mission sa pamamagitan ng Taguig Love Caravan.
Mayroon ding sentrong pangkalusugan at recreation para sa senior citizens at persons with disability sa Barangay North Signal na kauna-unahang ganitong uri ng sentro sa bansa.
(Photos by Chrisjohn Bugna and Jardine Davis Salumbides)
Motorcade Rally, Isinagawa ng Ilang Residente ng EMBO Barangays; May Hinaing Tungkol sa Benepisyo sa Kalusugan | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito: