Simula ngayong Lunes, Agosto 21, titiketan na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga motorcycle riders na gumagamit ng bicycle lane sa Epifanio Delos Santos Avenue o EDSA.

News Image #1


Pagmumultahin ng P1, 000 ang mga motorcycle riders na gumagamit ng bike lanes dahil sa pagbalewala sa mga traffic signs.

"Base sa monitoring ng MMDA sa EDSA, napakaraming motorcycle riders ang dumaraan sa bicycle lane. Dahil dito, hindi magamit ng mga nagbibisikleta ang lane na inilaan para sa kanila. Ang bike lane ay hindi fast lane para sa mga motorcycles," ang pahayag ng MMDA.

News Image #2


Una rito, nagbabala rin ang MMDA na ang mga nakamotorsiklong sumisilong sa mga underpass at footbridge sa biglang buhos ng ulan ay pagmumultahin din ng P1, 000.

"Seeking cover from the rain may endanger the riders from being hit by other vehicles and also cause traffic congestion," ang pahayag ng MMDA.

Ayon sa MMDA, mayroon namang mga emergency lay-bys sa EDSA na maaaring puntahan ng mga naka-motorsiklo upang doon magsuot ng kanilang kapote. Taliwas din sa pahayag ng Riders Safety Advocates of the Philippines (RSAP), sinabi ng MMDA na hindi inalis at sa halip ay inayos at mas pinalaki pa ang motorcycle lay-bys sa ilalim ng ilang flyovers sa EDSA. Kabilang sa maaaring puntahang emergency lay bys ang nasa ground level ng flyover sa Ortigas, Santolan, Kamuning, Kamias at Quezon Avenue sa Quezon City. Mayroon din anilang isinasaayos na lay-by sa C-5.

Mas malawak na ang puwedeng silungan ng ating mga motorcycle riders sa ground level ng flyovers sa Ortigas, Santolan, Kamuning, Kamias, at Quezon Ave. Ang mga lay-by ay mayroon ding libreng repair service para sa mga motorsiklo at bisikleta.
Sa bawat lay-by ay mayroon ding ilalagay na libreng repair service para sa mga motorsiklo at bisikleta.

Gayundin, humingi na ng tulong ang MMDA sa mga pangunahing gasoline stations sa Metro manila para maglagay ng tent kung saan makakasilong ang mga motorcycle riders habang nagsusuot ng kanilang kapote.

(Larawan mula sa MMDA at kay Vera Victoria)