Bilang pagkilala sa hindi masusukat na kontribusyon ng mga magsasaka sa kaunlaran ng bansa, partikular ang mga benepisyaryo ng agrarian reform program ng pamahalaan, ang Department of Agrarian Reform (DAR) ay magsasagawa ng Agraryo Trade Fair (ATF) ngayong Oktubre 15 hanggang 18, 2024 sa DAR Central Office (DARCO) sa Elliptical Road sa Quezon City.

News Image #1


Labinlimang rehiyon mula sa Cordillera Administrative Region (CAR) sa hilaga hanggang CARAGA Region sa timog ay magdadala ng kanilang mga produkto sa DARCO upang maipakita sa kanilang mga makukulay na booth na kakatawan sa kanilang mga rehiyon.

News Image #2


Pinangungunahan ang kaganapang ito ng Bureau of Agrarian Reform Beneficiaries Development (BARBD) na nasa ilalim ng Office of the DAR Undersecretary for Support Services.

Magsasagawa ng pagbubukas na seremonya sa Oktubre 15, 2024 kung saan ang master of ceremonies ay ang News Manager ng Taguig.com na si Marou Pahati Sarne,

Naniniwala sina DAR Undersecretary Rowena Niña Taduran, DPA at BARBD Director Eric Arevalo, DPA, na ang pagbibigay ng pagkakataon sa mga agrarian reform beneficiaries (ARBs) na maipakita ang kanilang mga produkto sa Metro Manila na sentro ng komersyo, ay makakatulong sa mga ito upang mabuksan ang panibagong oportunidad para sa pagnenegosyo ng kanilang mga produkto lalo na sa mas malaking merkado.

News Image #3


Mga sariwang prutas, gulay, naprosesong mga pagkain, hinabi o ginawa sa kamay na mga produkto at iba pang native products ang maaaring mabili sa nabanggit na mga araw sa DAR headquarters.

Nauna nang matunghayan at natikman nina Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. at DAR Secretary Conrado Estrella III ang mga produktong ipinagmalaki ng mga magsasakang benepisyaryo ng agrarian reform program sa Products Pavilion noong Setyembre 12, 2024, nang isagawa ang magkasabay na selebrasyon ng kaarawan ng dalawang lider sa DARCO.

Nagustuhan ng Pangulo ng lanzones at mangosteen na nanggaling sa CARAGA at Region IX at napahanga ito sa mga produktong gawa ng mga magsasaka mula sa iba't ibang rehiyon.

Ang DAR ang nagsisilbing tulay ng mga ARBs at Agrarian Reform Beneficiaries Organizations (ARBO) sa mga potensiyal na merkado ng mga ito sa ilalim ng Agrarian Reform Beneficiaries Development Sustainability Program (ARBDSP).

Tinutulungan ang mga magsasakang benepisyaryo ng agrarian reform program na mapalakas ang kanilang kakayahan sa pagsasaka at pagbebenta ng kanilang mga produkto upang mapanatili nila ang kanilang negosyo ng pagtatanim at pag-aani, at paglikha ng mga produkto mula sa kanilang pananim.

Kasabay naman ng ATF ang pagsasagawa ng kauna-unahang Binibining Agraryo 2024, isang proyekto ng opisina ng Undersecretary for Support Services na may suporta mula sa iba't ibang opisina ng DAR.

News Image #4


Dalawang araw na preliminary contests ang isasagawa sa Oktubre 15 hanggang 16, 2024 sa DARCO Gymnasium kung saan 18 naggagandahang kandidato mula sa iba't ibang opisina ng DAR sa bansa ang ipaparada ang kanilang terno at sportswear, at patutunayan ang kanilang talino at husay sa pamamagitan ng mga panayam.

Sa Oktubre 17, 2024 naman kokoronahan ang magwawagi ng titulonh Bb. Agraryo 2024, kung saan pipiliin din ang makakakuha ng titulong Bb. Agraryo-Luzon, Bb. Agraryo-Visayas at Bb. Agraryo-Mindanao.

Ang patimpalak kagandahan na ito ay bilang selebrasyon ng National Rural Women's Day ngayong Oktubre 15 at Rural Women's Month ngayong buwan ng Oktubre.

(Mga larawan ng DAR-USSO)