Bibili lamang sana ng milk tea subalit natagpuang patay ang isang 16 na taong gulang na lalaki sa parking lot ng Tenement housing project sa Barangay Western Bicutan, Taguig City.

News Image #1

(Larawan ni Dexter Terante)

Ayon sa nanay ng biktimang kinilala lamang sa pangalang Melmar, nagpaalam ang kanyang anak na bibili lamang ng milk tea at uuwi agad pagkatapos.

Nakitang walang buhay ang Grade 12 student ng Western Bicutan National High School sa parking lot ng naturang tenement bandng alas 7:30 ng gabi.

Ayon sa isang kapitbahay, naglilinis siya nang makarinig siya ng lumagabog makaraang mahulog. Pagsilip niya ay nakita niya ang batang lalaki na may bali sa buto. Agad niyang tinawag ang barangay at Taguig City Police upang ipagbigay-alam ang pangyayari.

Nag-post ang nanay ng bata sa Facebook na bago ito nasawi, nagpaalam itong bibili lamang ng milk tea. Nagpahayag naman ng matinding kalungkutan ang ama nito sa kanyang post din sa social media.

"Mahal na mahal ka namin nak...bakit mo naman kami iniwan?"

Nagsasagawa na ng karagdagang imbestigasyon at otopsiya ang mga otoridad sa labi ng naturang bata.

Sa mga nangangailangan ng suportang pangkaisipan, libre ang konsultasyon sa Taguig City kapag tumawag sa numerong ito: 0929-521-8373, Lunes hanggang Biyernes, 8:00 ng umaga hanggang alas 5:00 ng hapon.

News Image #2

(Art card ng Taguig City government)