Isang Vietnamese na nagpakilalang doktor at apat na iba pang mga dayuhan ang inaresto noong Mayo 13, 2024 ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) dahil sa pagkakaugnay sa isang diumano ay abortion clinic na nagpapanggap na wellness center sa Pasay City.

Nakakulong ngayon sa BI Detention Facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City ang nagpakilalang si Doctor Trinh Dinh Sang, 29 taong gulang at dalawa pang Vietnamese nationals na sina Nguyen Duy Quynh, 67 at Pham Thi Nhu Hieu, 28.

News Image #1

(Larawan mula sa Bureau of Immigration)

Nakadetine rin sa Camp Bagong Diwa ang dalawang Chinese na sina Xie Jun, 36 at Zhai Jian Gang, 43 na naaresto sa naturang klinika sa Macapagal Boulevard, Pasay City.

Ang operasyon ay isinagawa ng BI katulong ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at Philippine National Police - Pasay City makaraang makatanggap sila ng impormasyon na si Sang ay may isinasagawang ilegal na medical procedures tulad ng abortion at cosmetic enhancement sa naturang wellness center.

Ilang operatiba ang nagpanggap na kliyente na magpapa-cosmetic treatment at nahuli sa akto si Sang na isinasagawa ito.

Sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na nakakaalarma ang sitwasyong ito lalo na at isinasagawa ang ilegal na pagpapalaglag at cosmetic procedures na hindi pinapayagan ng Department of Health.