Umaabot na sa 1,131 na metro ng kuryente ang ninakaw mula Enero hanggang Hunyo 2024 sa mga lugar na sineserbisyuhan ng Manila Electric Company o Meralco.

News Image #1

(larawan ng Meralco)

Ito ay tumaas ng 63% mula sa 695 metrong naitalang ninakaw noong kaparehong panahon noong 2023.

Sinabi ng Meralco na tumaas din ang pagnanakaw ng kable ng kuryente at pagbebenta ng kable at metro online.

Nakikipagtungan ngayon ang Meralco sa Philippine National Police at iba pang ahensya ng pamahalaan upang maaksyunan agad ang mga ilegal na gawaing ito.

"Kami ay muling nagpapaalala sa publiko na ang mga metrong ito ay pagmamay-ari ng Meralco at wala kaming
sinisingil sa mga customer sa paggamit nito. Ang pagnanakaw, pagbebenta at pagbili ng mga nakaw na metro ay labag sa batas at may kaukulang parusa," ayon kay Meralco Vice President at pinuno ng Corporate Communications na si
Joe Zaldarriaga.


Babala pa ng Meralco, may mga palatandaan ang mga metro para matukoy na pagmamay-ari ng kumpanya.


"Umaapela kami sa publiko na i-report ang mga ganitong insidente sa Meralco at mga awtoridad upang maiwasan ang mga posibleng aberya sa serbisyo ng kuryente at masiguro ang kaligtasan ng lahat," ayon pa kay Zaldarriaga.

Ang mga mahuhuling nagnanakaw at nagbebenta ng mga nakaw na metro ay labag sa Republic Act No. 7832 o ang Anti-Electricity and Electric Transmission Lines/Materials Pilferage Act of 1994.

Maaaring mabilanggo ng 12 taon o pagmultahin ng P50,000 hanggang P100,000 o mapatawan ng parehong kaparusahan ang mahuhuli sa krimeng ito.

Maging ang mga bumibili at gumagamit ng nakaw na metro ay may kaparusahan din sa ilalim ng Presidential Decree No. 1612 o ang Anti-Fencing Law of 1972.