Natagpuan na sa Baguio City ang isang nawawalang pulis na huling nakita sa Camp Bagong Diwa, Barangay Lower Bicutan, Taguig City.

Gayunman, nang matagpuan ito ay putol-putol na ang katawan at nasa ilalim na ng lupa na pag-aari ng isa ring pulis sa Baguio City.

News Image #1

(Larawan mula sa Facebook Page ni Jane Aesthetic)

Batay sa imbestigasyon, nahuli diumano ng suspek na si Lieutenant Colonel Roderick Pascua si Police Executive Master Sergeant Emmanuel de Asis, 55 taong gulang, at ang kanyang asawang si Executive Master Sergeant Rosemarie Pascua na nagniniig. Nabaril at napatay ng suspek ang biktima dahil diumano sa matinding galit nito.

Naganap ang sinasabing pagkakahuli sa akto at pagkakabaril sa biktima sa loob mismo ng Camp Bagong Diwa noong Nobyembre 28, 2024, ayon kay Police Major Hazel Asilo, tagapagsalita ng Southern Police District (SPD).

Ayon mismo sa nilagdaang affidavit ng suspek, gumamit siya ng hacksaw para pagputul-putulin ang labi ng biktima, inilagay sa dalawang magkahiwalay na sako at saka ito isinakay sa pickup at dinala sa kanyang ancestral home sa Baguio City para ilibing.

Ang anak ng suspek na nagpost pa sa Facebook kaugnay ng paghahanap nila sa kanilang amang pulis-Palawan ang nakatunton na sa Camp Bagong Diwa ang huling pinanggalingan ng kanyang ama, partikular sa isang unit sa Married Non-Officers' Quarters, batay sa GPS tracker ng mobile phone nito.

Natukoy ng mga pulis na ang huling pinanggalingan ng biktima ay ang unit ng mag-asawang Pascua at doon na umamin ang suspek sa kanyang ginawa at itinuro kung saan niya inilibing ang biktima. Nahukay ang labi ng biktima noong Disyembre 4, 2024.

Hindi lamang ang suspek na lieutenant colonel ang kakasuhan sa pangyayari kung hindi posibleng pati ang asawa nitong executive master sergeant bilang accessory to the crime dahil sa hindi nito pagsusumbong sa pulisya ng pangyayari na naganap sa kanyang harapan.

Una rito, nagpost sa Facebook ang pamangkin ni De Asis na naghahanap sa kanyang tiyuhin na nawawala simula pa noong Nobyembre 27, 2024.

Nakatakda umano itong dumalo sa isang kumperensiya sa Metro Manila noong Nobyembre 30, 2024 subalit hindi ito nagpakita. Hindi na rin nakontak ang mga numero nito at messenger account simula noong Nobyembre 28, 2024.

Napag-alaman ng pamangkin nitong sumakay ng Grab Taxi ang kanyang tiyuhin mula sa LJ Hotel sa Barangay Bagumbayan, Taguig City patungong NCRPO Headquarters subalit hindi na ito natagpuan simula noon.