Sampung araw na tanggal muna sa kanilang tungkulin sina National Capital Regional Police Office (NCRPO) chief Police Major General Sidney Hernia at ang hepe ng Anti-Cybercrime Group (ACG) na si Major General Ronnie Cariaga simula kahapon, Nobyembre 7, 2024.
(Larawan ni Dexter Terante)
Ito ay makaraang ireklamo ng kasong administratibo sina Hernia at Cariaga sa nakaraang raid sa diumano ay scam hub sa Century Peak Tower sa Maynila noong Oktubre 30, 2024, kung saan may naganap umanong panghuhuthot sa mga nahuling dayuhan at pagtakip ng mga pulis sa CCTV ng establisamyento,
Si Police Brigadier General Reynaldo Tamondong ang pansamantalang hahalili kay Hernia sa NCRPO samantalang si Police Colonel Vina Guzman naman ang aaktong direktor ng ACG.
Iniutos ni Philippine National Police Chief General Rommel Marbil na pababain muna sa puwesto sina Hernia at Cariaga makaraang kwestyunin ng apat na Chinese citizens ang kanilqng pagkakaaresto sa isang diumano ay scam hub sa Maynila noong Oktubre 30, 2024.
Isa sa mga dayuhan ang nagsabing may mga pulis na nagtangkang manghuthot sa kanila ng tig-iisang milyong piso kapalit ng abogadong ibibigay sa kanila na diumano ay konektado sa mga matataas na opisyal ng NCRPO upang sila ay makalaya.
Gayundin, tatlong mga pulis naman ng PNP-ACG ang sinasabing nagtakip sa mga CCTV dahil baka umano makita ang mga itong walang suot pang-itaas ng isagawa ang raid dahil sa sobrang init ng lugar. Ang mga pulis ay umakyat ng dalawampu't tatlong palapag dahil pinatay ang elevator sa gusali bukod sa pinatay rin ang aircon doon.
Sa isang pahayag na inilabas ng NCRPO noong Lunes, itinanggi ni Hernia ang alegasyong extortion laban sa kanya at sa labingapat pang mga pulis.
"NCRPO Director Major General Sidney Hernia categorically denied allegations of extortion made against him and 14 other NCRPO officers, describing them as ''absurd and unfounded,'" ang pahayag ng NCRPO. Handa rin umano si Hernia na maimbestigahan.
"This is a chance for the truth to prevail, and I am confident that the investigation will reveal that all procedures followed were lawful and proper," ayon naman kay Hernia. "The NCRPO remains steadfast in its mission to combat criminality and protect the public from fraudulent activities. We stand ready to clear our names and reinforce our dedication to integrity and service," dagdag pa nito.
Sinabi naman ni Brig. General Jean Fajardo, tagapagsalita ng PNP na ibabalik naman sa kanilang dating posisyon at assignment sina Hernia at Cariaga kapag napatunayang walang kapabayaan sa kanilang pamumuno at tiniyak na lahat ng police operational procedures ay nasunod.
NCRPO Chief Hernia at PNP-ACG Chief Cariaga, 10 Araw na Tanggal Muna sa Tungkulin | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito: