Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa mga direktor ng Bases Conversion Development Authority (na may tanggapan sa Bonifacio Global City, Taguig City) na pamahalaan ang pagbebenta ng mga ari-arian at pagbayad sa pagkakautang ng North Luzon Railways Corporation o NorthRail makaraang ipag-utos niya ang pagbubuwag dito.

News Image #1


Sinabi ni Marcos na kailangang bayaran ng BCDA sa pamamagitan ng liquidated assets ng NorthRail ang separation incentive pay ng mga maaapektuhang opisyal at tauhan ng binuwag na kumpanya.

Ang lahat ng mga apektadong tauhan at opisyal ng NorthRail ay maaaring makakuha ng mga sumusunod na separation benefits: sa naka-unang dalawampung taon sa kumpanya, mabibigyan sila ng 1 buwang sahod na imu-multiply sa bilang ng taon ng kanilang paninilbihan.

Ang naka-20 taon at isang araw hanggang 30 taon ang kuwentahan ng makukuhang separation pay ay 1.25 x monthly basic salary x number of years.

At ang mga naka 30 taon at isang araw o higit pa ay makakatanggap ng separation pay na 1.50 x monthly basic salary x number of years.

Ang BCDA directors ay tutulungan ng Department of Transportation (DOTr) sa pagli-liquidate ng mga ari-arian ng NorthRail at pagsasaayos ng mga usaping may kinalaman sa korporasyon.

Ang BCDA at DOTr din ang naatasang mag-imbentaryo sa mga kasalukuyang programa at proyekto ng NorthRail na maaaring tapusin na o ilipat na lamang sa ibang ahensya ng pamahalaan.

Sinabi ng Malakanyang na ipinag-utos ni Marcos ang pagbuwag sa NorthRail dahil hindi na nito nakakamit ang mga layunin at adhikain batay sa pagkakabuo nito. Ito ay dating proyekto ng administrasyong Arroyo.

Ang kautusan para sa abolisyon ng NorthRail ay nasa Mzemorandum Order 17 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin para sa Pangulo.

Ang NorthRail na nakarehistro sa Securities and Exchange Commission noong 1995 ay ginawa bilang subsidiary ng BCDA upang bumuo, gumawa, mag-operate at mamahala ng railroad system na magsisilbi sa Metro Manila, Gitnang Luzon at Hilagang Luzon.

Ang NorthRail project naman ang magkokonekta sa Caloocan at Malolos, Bulacan.

Inprubahan naman ng National Economic and Development Authority Board ang North-South Commuter Railway Project noong 2015 na popondohan ng official development assistance mula sa Japan, kaya't napawalang-bisa na ang NorthRail project.

(Photo by NorthRail)