Nakipagkasundo ang Commission on Elections (Comelec) sa SMS Global Technologies Inc. at Sequent Tech Inc. noong Hunyo 25, 2024, para sa kauna-unahang online voting and counting system (OVCS) na gagamitin ng mga Filipino overseas voters.

News Image #1

(Larawan mula sa PTV)

Ang online voting ang magbibigay ng pagkakataon sa mas maraming Pilipino sa ibayong dagat na makaboto sa eleksyon.

"Kung paano po natin inaayos ang pagboto sa ating mga kababayan dito sa ating bansa, ganyan din dapat ang maiparanas natin sa mga kababayan natin abroad," ang pahayag ni Comelec Chairman George Garcia sa lagdaan nila ng SMS Global Technologies, Inc. at Sequent Tech, Inc.

Hinihikayat ni Garcia ang mga Pilipino abroad na magparehistro na para sa darating na eleksyon.

"Makakaboto kayo kahit na undocumented kayo, kahit na NPA (no permanent address) kayo," ayon pa kay Garcia.

Tiniyak ni Garcia na secure at maaasahan ang OVCS. "Naniniwala po tayo sa makabagong teknolohiya na mayroon tayo sa kasalukuyan tulad ng internet banking, tulad ng tinatawag natin na pagbabayad ng mga bills using the internet, wala naman pong pinagkaiba 'yung dito po sa internet voting."

Kailangan lamang na magrehistro ang botante sa portal sa pamamagitan ng pangalan nito, password, phone number, email address, password, at mag-upload ng identification card.

Sinabi ng Comelec sa isang pahayag na ang kanilang joint venture ang may pinakamababang bid para sa gagastusin sa OVCS sa apat na nag-bid para sa darating na 2025 midterm elections.

Ayon sa Comelec ang kanilang bid ay nasa P112 milyon, mas mababa sa inilaang budget na P465.8 million para sa OVCS procurement.