Hihilingin ni dating Taguig Congressman at retiradong Supreme Court Justice Dante Tinga sa Korte Suprema na ipawalang bisa ang ordinansa ng pamahalaang lungsod ng Taguig at resolusyon ng Commission on Elections (COMELEC) na nagdadagdag sa 12 ng mga konsehal ng dalawang ditrito ng Taguig at Pateros.
(Larawan mula sa Facebook Page ni Commissioner Michelle Gonzales)
Sinabi ni Tinga na isang paglabag sa Saligang Batas at sa batas na lumikha sa city charter ng Taguig ang naturang resolusyon na nagdadagdag ng apat pang konsehal mula sa orihinal na walo sa dalawang distrito ng Taguig at Pateros.
"The city ordinance and the Comelec resolution approving it are unconstitutional because neither body has the power to legislate the matter. Only Congress has that power. In fact, the current number of councilors is clearly outlined in the city charter of Taguig, which is an act of Congress," ang pahayag ni Tinga.
Sinabi rin ni Tinga na ang Senate Concurrent Resolution Number 23 ay walang puwersa at epekto ng batas dahil hindi naman ito dumaan sa tamang proseso ng batas, kasama na ang dapat ay pagpasa muna nito sa tatlong pagbasa.
Una rito, ay nagkaroon ng argumento sina dating Senate President Juan Miguel Zubiri at Senador Alan Peter Cayetano kaugnay ng panukalang ito ni Cayetano na ayon kay Zubiri ay minamadali at wala sa listahan ng dapat talakayin sa araw na iyon sa Senado.
Noong Setyembre 16, 2024, ipinasa ng Sangguniang Panglungsod ng Taguig ang Ordinance Number 144 na naglilipat sa 10 barangays ng Enlisted Men's Barrio (EMBO) sa dalawang distrio ng Taguig at Pateros at dinagdagan ang mga konsehal mula walo tungong 12 sa bawat congressional at councilor district.
Iniharap naman ni Cayetano sa Senado sa pamamagitan ng Senate Concurrent Resolution No. 23 na nagsasaad ng katulad na nilalaman at gayundin sa Kongreso na iniharap naman ni Taguig Congressman Ricardo Cruz.
Sinang-ayunan naman ito ng COMELEC sa pamamagitan ng Resolution No. 111069.
Ang pagkakalipat ng 10 EMBO barangays sa dalawang distrito ng Taguig at Pateros ay bunsod ng desisyon naman ng Korte Suprema noong 2021 na ilipat ang mga barangay sa hurisdiksyon ng Taguig mula sa Makati City na pinal na desisyon naman sa agawan ng dalawang siyudad sa mga lupaing nasasakupan ng Fort Bonifacio Military Reservation.
Ordinansa at Resolusyon ng Comelec na Nagdadagdag sa 12 Konsehal sa Taguig at Pateros, Hihilingin ni Dating SC Justice Tinga na Ipawalang-Bisa | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito: