Overloading, illegal na pagkabit sa kuryente o pagja-jumper at pagpapalipad ng saranggola malapit sa mga linya ng kuryente ang sinabi ng Manila Electric Company (Meralco) na dahilan ng mga biglang pag-aapoy ng mga poste at kawad ng kuryente nitong mga nakalipas na araw.

Ito ang ibinigay na pahayag ng Meralco sa Taguig.com kaugnay ng sunod-sunod na pag-aapoy ng mga poste ng kuryente sa iba't ibang lugar sa Taguig City at sa iba pang bahagi ng Metro Manila.

News Image #1

(Larawan mula sa Taguig.com Member)


Sinabi pa ng Meralco na simula nang tumaas ang demand para sa kuryente dahil sa napakainit na panahon, madalas na silang nakakatanggap ng mga report kaugnay ng blackout o power interruption.

Nakiusap ang Meralco sa mga mamamayan na iwasan ang ilegal na pagkakabit ng kuryente upang maiwasan ang mga insidente ng pag-aapoy ng nga kawad ng kuryente.

"Walang patid ang pagsusumikap ng aming mga crew para agad na maresolba ang mga alalahanin na ito at maibalik ang serbisyo ng kuryente sa lalong pinakamadaling panahon," ang pahayag ng Meralco.

Sinabi pa ng Meralco na kung may makikitang nagliliyab na poste, mas mabuting ireport ito kaagad sa Meralco hotline 16211 o mag-text sa 0920-9716211 at 0917-55-16211.

Maaari din magpadala ng mensahe sa kanilang opisyal na social media channel sa Facebook (www.facebook.com/meralco) at X na dating Twitter (@meralco).

Noong LInggo ng gabi, Abril 28, 2024, ay nag-apoy ang poste sa 2nd at 3rd Street sa Barangay Katuparan, gayundin sa Paulina Ville Barangay Calzada-Tipas, Cristobal Street Barangay Central Bicutan, at sa Barangay West Rembo.