Ang mga na-stroke na miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ay makakatanggap na ng benepisyong hanggang P80, 000 mula sa dating P38, 000.

Ito ang inanunsyo ng PhilHealth noong Nobyembre 20 sa harap ng tumataas na kaso ng inaatake ng stroke at biglaang naoospital dahil sa kondisyon.

News Image #1


Ang stroke ay ikalawa nang dahilan ng kamatayan sa bansa at 70% ng mga nasasawi ay bunga ng ischemic stroke o pagbabara ng dugo sa ugat na patungo sa utak.

Tatlumpung porsiyento naman ng nasasawi ay bunga ng hemorrhagic stroke o pagdurugo sa utak dahil sa pumutok na ugat.

Nakita ng PhilHealth ang hirap na dinaranas lalo na sa pinansiyal ng mga nagpapagamot makaraang ma-stroke kung kaya't binago nila ang benepisyo para sa inatake ng ischemic stroke mula sa P28, 000 tungong P76, 000.

Ang inatake naman ng hemorrhagic stroke ay masasagot ang gastusin sa ospital ng hanggang P80, 000 mula sa dating P38, 000 lamang.

Ang pagpapaganda ng benepisyo ay kaugnay pa rin ng pagtugon ng PhilHealth sa Universal Health Care Act.

News Image #2


(Photos by PhilHealth)