Binabalaan ang mga nakatira malapit sa katubigan sa Metro Manila, kabuuan ng Luzon at sa Visayas bunga ng patuloy na pag-ulan dulot ng bagyong Falcon at habagat.

Ang tubig sa La Mesa dam sa Quezon City ay nasa 79.81 meters na kahapon (Hulyo 29) ng alas 9:30 ng gabi. Kapag ito ay umabot sa 80.15 metro, ito ay aapaw na at magpapabaha sa mga malapit sa Tullahan River sa Quezon City, Malabon at Valenzuela. Binabantayan din ang pagtaas ng tubig sa Marikina River.

Ang tuloy-tuloy na pag-ulan ay bunga ng pagpasok ng bagyong Falcon sa bansa na pinalalakas pa ng hanging habagat. Ang sentro ng babgyo ay nasa 1, 210 kilometro sa silangan ng Gitnang Luzon. May dala itong hanging 85 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong umaabot sa 105 kilometro kada oras.

News Image #1


Patuloy ang pag-ulan sa Metro Manila, Zambales, Bataan, Pampanga, Bulacan, Occidental Mindoro, Palawan, Romblon, halos kabuuan ng CALABARZON, Northern Samar, Bicol Region at Western Visayas.

Sa darating na Lunes, maulan pa rin ang Metro Manila, Zambales, Bataan, Pampanga, Bulacan, Ilocos Norte, Pangasinan, Occidental Mindoro, halos kabuuan ng CALABARZON, Palawan, Romblon, Northern Samar, Bicol Region at Western Visayas. Maulan pa rin sa Martes sa Metro Manila, Bulacan, Ilocos Region, Abra, Benguet, Zambales, Bataan, Bicol Region, halos kabuuan ng CALABARZON, MIMAROPA, at Western Visayas.

Tinatayang lalabas ang bagyong Falcon sa bansa sa Lunes ng hapon o gabi subalit patuloy itong magdudulot ng pag-ulan sa bansa.

(Larawan mula sa PAGASA)