Ipagpapaliban muna ang pagbabayad ng buwanang hulog sa mga kabahayang inutang sa mga pinansiyal na ahensiya ng pamahalaan, batay sa kautusan ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD).

News Image #1


Sinabi ni DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar na inatasan niya ang mga key shelter agencies (KSAs) na iimplementa ang moratorium sa monthly amortization ng mga bahay na kinuha ng mga miyembro nito bilang tulong sa mga nasalanta ng Bagyong Kristine.

Ayon kay Acuzar, bahala na ang mga KSA kung paano iimplementa ang kautusan. Kabilang sa mga ahensiyang sakop ng kautusan ay ang Home Development Mutual Fund o Pag-IBIG Fund, National Housing Authority (NHA), Social Housing Finance Corporation (SHFC) at ang National Home Mortgage Finance Corporation (NHMFC).

"This is a small assistance that we in the DHSUD could provide to the typhoon victims. We hope that this will somehow alleviate what they are now facing," ayon kay Acuzar.

News Image #2


Magbibigay rin ng P30, 000 unconditional cash assistance ang DHSUD sa mga pamilyang nagiba ng tuluyan ang mga bahay dahil sa bagyo at P10, 000 naman sa mga bahagyang nawasak.

Nakikipag-ugnayan na ang DHSUD sa mga local government units upang matukoy ang mga pamilyang magiging kwalipikado sa tulong na ito na isasailalim sa Integrated Disaster Shelter Assistance Program (IDSAP) ng kagawaran.

(Contributed photos from Bicol Region)