Sa pahayag ni Taguig City Mayor Lani Cayetano, hinimok niya ang mga kooperatiba na makiisa at humarap sa hamon ng modernisasyon at lalo pang makipagtulungan para sa seguridad sa pagkain, trabaho at kalusugan ng mga mamamayan. (I-click ang video sa ibaba para sa bahagi ng talumpati ni Mayor Cayetano.)
Sinimulan ang pagdiriwang ng National Cooperative Month sa Probinsyudad ng Taguig sa pamamagitan ng isang fun run at Zumba session sa TLC Park sa C6 Barangay Lower Bicutan kahapon, Oktubre 1, ganap na alas 5:30 ng umaga.
Libo-libong mga mamamayan ng Taguig at Pateros ang lumahok sa limang kilometrong fun run at Zumba session na pinangunahan ng mananayaw at aktres na si Regine Tolentino. Nagkamit ng medalya at cash prizes ang mga nanguna sa fun run.
Binuksan din sa publiko ang Transforming Lives and Communities o TLC Expo na kung saan naka-exhibit at puwedeng bilhin ang mga produkto ng kooperatiba at may mga franchise na negosyong maaari ring pasukan ng mga mamamayan. Mahigit 80 ang mga exhibitors dito.
Isang linggo ang TLC Expo, sa Taguig Lakeshore Hall sa C6 Barangay Lower Bicutsan, na magtatapos sa Oktubre 6. Ang TLC Expo ay bukas 9:00 ng umaga hanggang 4:00 ng hapon.
Sa Oktubre 14 naman ay magsasagawa ng Coop Lympics mula alas 9:00 ng umaga hanggang alas 4:00 ng hapon.
Sa Oktubre 18 naman ay mayroong Cooperatives' Leadership Seminar sa SM Aura Kalayaan Hall. At sa Oktubre 27 ay isasagawa ang Cooperatives' Icon Awards Night ganap na alas 6:00 ng gabi.
(Photos by Taguig PIO)