Simula na ngayong araw na ito, Oktubre 1, 2024, ang paghaharap ng certificate of candidacy (COC) ng mga tatakbo sa halalang pambansa at lokal sa Mayo 12, 2025.

News Image #1


Hanggang Oktubre 8, 2024 ang paghaharap ng kandidatura para sa mid-term elections.

Mahigit 18, 000 posisyon ang paglalabanan sa halalan kung saan 12 dito ang senador, 254 na kongresista sa mga legislative districts, 63 sa party-list, 149 sa pagka-alkalde at iba pa.

Sinabi naman ni Commission on Elections (Comelec) Chairperson George Erwin Garcia na kailangang may nasumpaang COC ang isang magsusumite nito para makatakbo sa halalan. Gayundin, kailangang ang magharap ng COC ay ang mismong aspirante o ang kanyang otorisadong representante. Kung party-list naman, kailangang ang chairperson, presidente, secretary general o sinumang otorisadong representante ang maghaharap nito.

News Image #2


Tatlong tao lamang ang maaaring isama ng isang aspirante sa paghaharap niya ng COC subalit ang tatakbo sa pagka-Senador ay maaaring magsama ng apat.

Papayagan naman ang kapalit kung sakaling mag-withdraw ang orihinal na kandidato, subalit ito ay hanggang sa huling araw lamang ng paghaharap ng COC.

Ang pagpapalit ng kandidato ay papayagan lamang makalipas ang Oktubre 8, 2024 kung sakaling masawi o ma-diskwalipika ang orihinal na aspirante. Gayunman, hindi papayagan ang substitution para sa mga independent candidates.

(File photos from Taguig PIO)