Sinabi ni Binay na pinag-aaralan pa ng kanyang legal team ang kanilang susunod na hakbangin kapag nabasa na ang buong transcript ng isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Accounts noong Hulyo 3, 2024.
Ang Senate Ethics and Privileges Committee ang tumatalakay sa lahat ng mga usaping may kinalaman sa asal, karapatan, probilehiyo, kaligtasan, dignidad, integridad at reputasyon ng Senado at ng mga miyembro nito.
Ayon naman kay Senate Majority Leader Francis Tolentino, na siyang namumuno rin sa Ethics panel, na tutugunan nila ang anumang ihaharap sa kanilang komite.
Nagsisi aniya siya na umalis siya ng maaga sa naturang pagdinig dahil napigilan sana aniya ang paglala ng sagutan nina Binay at Cayetano kung napahinto ang pagdinig. Ayon kay Tolentino, maaaring hiniling niya ng mas maaga na suspendihin ang pagdinig at hihilingin din niya na tanggalin ang mga "unparliamentary remarks" mula sa records ng Senado.
Tinangka ni Senador Robinhood Padilla na hilinging suspindihin muna ang pagdinig subalit tumanggi si Cayetano at sinabing patapos na rin naman ang kanilang pagdinig kung hindi aniya ginulo ni Binay.
Makaraan namang bigyang-diin ni Binay na hindi P23 bilyon ang halaga ng bagong gusali ng Senado, tumayo na ito at nag-walk out sa naturang pagdinig.
Sinabi ni Binay na makaraang tawagin siyang "marites" ni Cayetano, isang taguri sa mga Pilipinong tsismosa, nararamdaman aniya niyang hindi naman manghihingi ito ng paumanhin sa kanya.
"We don't expect him to behave as such considering that he is among the most senior senators--so, yung asal n'ya is very unbecoming of a senator. Tanggap ko nang ganoon ang ugali niya, basta apelyido mo'y Binay," ayon sa Senadora.
Binuksan ni Cayetano ang pagdinig sa Senado kaugnay ng ipinapagawang bagong gusali ng Senado sa Taguig makaraang ipag-utos ni Senate President Chiz Escudero ang pag-aaral muli sa halaga ng konstruksyon nito na lumobo na diumano sa P23 bilyon.
Ayon kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Emil Sadain, batay sa kanilang record, ang halaga ng ipinatatayong bagong gusali ng Senado ay nasa P21 bilyon.
Sinabi naman ni Cayetano na umabot ito sa P23 b ilyon dahil sa pagkakabili ng lupa na nasa P1.6 bilyon.
(Kuha nina Jayson Pulga at Dexter Terante)