Kumakalat sa social media na nahaharap sa bagong virus outbreak ang China kung saan mabilis umanong kumakalat ang Human Metapneumovirus (HMPV) na nagpapakita ng simtomas na tulad ng flu at Covid-19.

News Image #1

Larawan ng Taguig.com

Gayunman, wala pa ring opisyal na kumpirmasyon mula sa pamahalaan ng China.

Sinabi naman ng National Disease Control and Prevention Administration na gagawa sila ng pamamaraan sa mga laboratoryo upang maiulat at makumpirma naman ng mga ahensya ng disease control and prevention ang mga naturang kaso upang maayos na mahawakan at maresolba ang mga ito, batay sa ulat ng state broadcaster na CCTV.

Sa data mula Disyembre 16 hanggang 22, tumaas ang bilang ng acute respiratory diseases, batay sa isang opisyal na pahayag kahapon, Enero 2.

News Image #2

Larawan ng Cleveland Clinic

Tumataas talaga ang mga respiratory infectious diseases sa China tuwing winter at spring, ayon kay Kan Biao, isang opisyal sa China na nagsalita sa isang news conference. Gayunman, sa nakaraang data, mas mababa pa rin aniya ang bilang nito kaysa sa noong 2023.


Kabilang sa mga nakakahawang respiratory diseases na naitala sa China nitong nakalipas na Disyembre ay ang rhinovirus at human metapneumovirus, kung saan ang mga apektado ay mga batang mababa sa 14 na taong gulang, lalo na sa mga probinsiya sa norte.

Ang hMPV ay isang karaniwang respiratory virus na nagsasanhi ng upper respiratory infection tulad ng sipon.

Walang bakuna laban sa hMPV subalit kusang gumagaling ang pasyente rito, bagaman at maaari ring makamatay kapag napabayaan o lumala.