Nangangamba ang mga magulang at guro sa maaaring idulot na tensyon at kalituhan sa darating na pagbubukas ng klase ng iringan sa pamamahala ng 14 na eskwelahan sa Embo barangays.

Ito ay makaraang ipag-utos ng OIC ng Office of the Division Schools Superintendent ng Taguig na si Dr. Cynthia Ayles ang pag-take over ng security agency ng Taguig sa 14 na eskwelahang dating nasa District 2 ng Makati at ngayon ay nalipat na sa Taguig.

News Image #1


Pinalagan naman ito ng Makati City government sa pamamagitan ni Makati City Administrator Atty. Claro Certeza dahil ang mga school buildings ay pag-aari pa rin aniya ng Makati at ang political jurisdiction lamang ang nailipat sa Taguig.

Ayon sa Presidente ng Federation of Makati Parents and Teachers Association Mark Christian Dimson Galang, kailangang maging malinaw lamang ang pamamahala sa 14 na eskwelahan para sa kapakanan ng mga estudyante at guro.

Sinabi rin ni Galang na ang insidente na naganap noong Agosto 12 kung saan hindi pinapasok sa Rizal Elementary School ang bagong principal nito na may kasama aniyang security personnel ng Taguig local government unit ay dahil lamang hindi ito kilala.

News Image #2


"Yung principal na iyon ay galing sa District 1 ng Makati at na-assign sa District 2. So hindi pa siya napapakilala sa mga security guards kaya nung pumunta sya ay di napapasok, dahil di po siya kilala," ayon kay Galang.

Nais ding malaman ng mga magulang kung kanino kukuha ng uniform at school supplies ang mga estudyante sa 14 na eskwelahan.

Nauna nang tiniyak ng Taguig City government na handa nitong tustusan ang lahat ng pangangailangan ng mga estudyante ng mga barangay na dating sa Makati at inilipat na sa Taguig sa bisa ng kautusan ng Korte Suprema na nagreresolba sa territorial dispute ng Taguig at Makati.

Kabilang sa 14 na pampublikong eskwelahan na inilagay na sa pamamahala ng Department of Education Taguig-Pateros ay ang Makati Science High School, Comembo Elementary School, Rizal Elementary School, Pembo Elementary School, Benigno "Ninoy" S. Aquino High School, Tibagan High School, Fort Bonifacio Elementary School, Fort Bonifacio High School, Pitogo Elementary School, Pitogo High School, Cembo Elementary School, East Rembo Elementary School, West Rembo Elementary School, at South Cembo Elementary School.


(Mga larawan mula kay Princess Chinitarainia)