Sabay-sabay na naglinis ang lahat ng mga barangay sa Taguig City noong Sabado, Enero 6 bilang pag-obserba sa National Community Development Day at bilang suporta sa Kalinga at Inisyatibo Para sa Malinis na Bayan (KALINISAN) Program na pinasimulan ng pambansang pamahalaan.

News Image #1


Pinangunahan ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO) ang sama-samang paglilinis kasama ang mga opisyal at residente ng 38 barangay ng Taguig City.

Kabilang sa mga nilinis ang kapaligiran ng mga barangay, ang mga daan, creek at ang Taguig river system.

"The success of this endeavor stands as a testament to the strong bayanihan spirit that unites the people of Taguig. Their collective mission was to foster a clean and sustainable community while promoting awareness about the critical importance of environmental preservation," ayon sa pahayag ng pamahalaang lungsod ng Taguig.

News Image #2


Ang paglilinis ay bahagi rin ng tuloy-tuloy na kampanya ng Taguig para maiwasan ang pagbabaha sa kanilang siyudad.

May mga inilalagay na floating traps sa mga ilog at creek upang huwag maipon at magbara ang mga basura rito, regular na nililinis ang mga imburnal at ang mismong mga creek na pinupuntahan ng mga basura mula sa mga kanal at imburnal.

Nakakuha ang Taguig ng 17, 448 sako ng basura sa mga estero, drainage, creek, ilog at kanal sa Taguig mula noong Disyembre 4 hanggang 30, 2023.

News Image #3


Sinimulan din ang mga pangmatagalang solusyon sa pagbabaha tulad ng pagtatanggal ng mga bara sa mga katubigan sa Taguig, paghuhukay sa mga ilog at creek na maraming basura at pag-aayos at paggawa ng mga daluyan ng tubig.

Nakiusap sa mga mamamayan ng Taguig ang pamahalaang lungsod na makipagtulungan upang huwag nang magbaha kapag nagsimula ang tuloy-tuloy na pag-ulam.

Ipinaalala ng pamahalaang lungsod na bawal magtapon ng basura sa kalsada at mga daluyan ng tubig, kailangang paghiwalayin ang mga basurang nabubulok at hindi nabubulok, at iwasang magtayo ng anumang istraktura sa mga katubigan o daanan ng tubig.

(Photos by Taguig PIO)