Mataas ang posibilidad na maapektuhan ng sakit na leptospirosis ang mga lumusong sa baha makaraang ulanin ng husto ang buong Pilipinas dahil sa Bagyong Kristine.

Tumaas ang tubig baha sa ilang mga lugar sa Taguig City makaraan ang tuloy-tuloy na pag-ulan kahapon, Oktubre 24, 2024.

Ayon sa Pamahalaang Lungsod ng Taguig, may libreng gamot para sa leptospirosis na magsisilbing prophylaxis o paghadlang sa pagkakaroon ng naturang sakit sa mga barangay health centers.

News Image #1

(Larawan ng Taguig City Government)

Ang gamot na Doxycycline ay isang antibiotiko na maaaring ibigay sa mga lumusong sa baha na ang edad ay siyam na taon pataas. Hindi maaaring uminom nito ang mga bata sa edad siyam, mga buntis at nagpapasusong ina.

Ang leptospirosis ay isang sakit na nakukuha sa impeksyon sa bacteria na Leptospira. Nakukuha ito sa dumi ng mga may impeksyong daga o maging mula sa aso o pusa. Pumapasok naman ito sa mga nakabukas na balat tulad ng sugat, sa mata, ilong o bibig.

Ang Doxycycline na isang tetracycline antibiotic ang ipinaiinom sa mga posibleng nakakuha ng impeksyon mula sa paglusong sa baha dahil napipigilan nito ang paglago ng bacteria sa katawaan at nakakahadlang din sa anumang pamamaga sa katawan dahil sa impeksyon.

Ang posibleng side effects ng gamot ay ang pagsusuka, pagkahilo, sasakit ang tiyan, mawawalan ng gana, posibleng magkaroon ng pagtatae, skin rashes o pangangati at may lalabas na kakaibang likido sa puwerta.

Kung allergic sa tetracycline antibiotic, sabihin agad sa health personnel upang huwag ipainom ang gamot. Sabihin din kung umiinom ng birth control pills dahil mababawasan ang epekto ng naturang pills kung isinabay ito sa pag-inom.

Iwasan din munang uminom ng iron supplements, multivitamins, calcium supplements, antacids o laxatives sa loob ng dalawang oras bago o makaraang inumin ang doxycycline.