Nagpasalamat si Kagawad Cielita Cortez ng Barangay Comembo kay Taguig Mayor Lani Cayetano nang personal nitong pangunahan ang pagbibigay ng bagong ambulansya sa kanilang barangay makaraang bawiin ang dating ambulansya nito ng pamahalaang lungsod ng Makati.
Sinabi ni Cortez na ang bagong ambulansya ay magbibigay ng katiyakan na may magagamit sa panahon ng emergency at mabibigyan ng mahusay na serbisyong pangkalusugan ang kanilang mga residente sa barangay.
"Your provision of an ambulance exemplifies your commitment to our safety and well-being. Your leadership ensures that we can rely on essential services in times of need. Grateful for your proactive approach," ayon kay Cortez..
Sinabi naman ni Kagawad Vladimir Lucido na pinuno ng Barangay Rizal Disaster Risk Reduction and Management team na ang bagong ambulansyang nanggaling sa pamahalaang lungsod ng Taguig ay malaking tulong sa kanilang mga kabarangay.
"Ang barangay po namin ay halos 100,000 household. Napakarami po talagang matutulungan ng ambulansya, kaya po nung dumating siya, isa ito sa mga tutulong sa aming mga kabarangay," ayon kay Lucido.
Binigyan ng pamahalaang lungsod ng Taguig ng tig-isang bagong ambulansya ang Barangay Comembo at Rizal noong Pebrero 11, 2024.
(I-click ang video ng ulat ng Taguig.com reporter na si Jayson Pulga)
Sinabi ng pamahalaang lungsod ng Taguig na ang mga binawing ambulansya ng Makati City ay hindi naman nila pag-aari, bagkus ay ibinigay ito ng Department of Health sa ilalim ng Health Facilities Enhancement Program.
Bukod sa bagong mga ambulansya, patuloy ang pag-ikot ng Taguig Love Caravan sa mga EMBO barangays upang mabigyan ng libreng medical at dental services ang mga mamamayan nito na mga bagong residente ng Taguig City.
Ang mga EMBO barangays na kinabibilangan ng Cembo, Comembo, East Rembo, Pembo, Pitogo, Post Proper Northside, Post Proper Southside, Rizal, South Cembo at West Rembo ay nailipat na ang pamamahala sa Taguig City batay sa desisyon ng Korte Suprema.
(Mga larawan mula sa Taguig PIO)