Hindi inalintana ng daan-daang Taguigueño ang manaka-nakang pagbugso ng malakas na ulan at hanging dala ng bagyong Egay upang maituloy ang pagdiriwang ng kapistahan ng Santong Patron ng Taguig na si Santa Ana noong Hulyo 26.

Gayunman, sa halip na isagawa sa ilog ng Taguig ang pagoda, inilipat nila ito sa kalsada kung saan inilibot ang mga imahe ni Santa Ana at nagpakitang-gilas ang mga talentadong musiko at mananayaw ng Taguig.

News Image #1


Lumahok din sa kasiyahan si Taguig City Mayor Lani Cayetano at ang mga konsehal ng una at ikalawang distrito ng Taguig sa Pagoda sa Daan na nag-ikot sa iba't ibang kalye ng lungsod. Sumakay ang mga ito sa mga sasakyang dinekorasyunan ng mga bulaklak.

News Image #2


Nagpamigay rin ng mga prutas, candies, at Taguig River Festival 2023 T-shirts ang mga nag-organisa ng Pagoda sa Daan sa mga residenteng lumahok sa kasiyahan.

News Image #3


Bago isinagawa ang parada mula sa Minor Basilica and Archdiocesan Shrine of Saint Anne, nagtungo sa ilog ang grupo ni Father Bernie Carpio para basbasan ang ilog habang hawak ang imahe ni Santa Ana.

News Image #4


Makaraan ito ay umusad na ang Pagoda sa daan sa Liwayway Street, Pinagsalubungan, Plaza Quezon na nasa A. Luna kanto ng P. Burgos, General Luna Street, Taguig City Hall at Global Oil Gas Station.

Nagtungo rin ang Pagoda sa Daan sa Tuktukan Bridge at Bambang Bridge at Brgy. Wawa Chapel.

Mula naman sa Wawa Horsheshoe ay bumalik na ang Pagoda sa Daan sa Minor Basilica.

News Image #5


Ipinagbawal ng Philippine Coast Guard ang paglalayag ng anumang sasakyang pangkatubigan sa Laguna Bay at sa mga kailugang karugtong nito makaraang isailalim sa Signal Number 1 ang Metro Manila dahil sa bagyong Egay at habagat. Dahil dito ay nagdesisyon ang mga organizers ng Taguig River Festival na ilipat na lamang ang parada sa kalsada.

News Image #6



Ang Taguig River Festival ay orihinal na kilala bilang Santa Anang Banak Taguig River Festival na ginagawa tuwing Hulyo 26.

(Mga larawan mula sa Taguig PIO)