Ang bagong gusali ng Senado sa Barangay Fort Bonifacio, Taguig City ay naantala na ang paggawa ng 852 araw, dahilan upang magkaroon ng P78 milyong dagdag-gastusin dahil sa pagpapalawig ng panahon ng paggawa o extension of time (EOT) para rito.

News Image #1


Sinabi ni Senador Alan Peter Cayetano, Chairman ng Senate Committee on Accounts na ang variation orders (VO) o mga kautusan sa pagpapabago ng ginagawang bagong gusali ng Senado ang naging dahilan ng pagkabalam ng konstruksyon at pagtaas ng pangkabuuang halaga ng proyekto.

Inilabas ni Department of Public Works and Highways (DPWH) project director Soledad Florencio ang impormasyong ito sa pagdinig ng naturang komite sa Senado noong nakaraang Miyerkules, Hulyo 3, 2024.

Ayon pa sa senador, inamin ni Florencio na hindi sila makakapagbigay ng takdang araw ng pagtatapos ng proyekto dahil sa pagpapalawig pa ng panahon ng paggawa nito. Sinimulan ang pagpapagawa ng bagong Senate building noong 2019.

Sinabi ng senador sa DPWH na maaaring naiwasan ang pagkaantala at dagdag na mga bayarin sa pagpapagawa ng gusali kung nakipagpulong lamang ang DPWH sa Senate coordinating team bago isinapinal ang detalyadong architectural at engineering design ng gusali.

News Image #2


Kinwestyon din ni Cayetano ang dagdag na design fee na umabot sa P173 milyon.


Una rito ay nagpalabas na rin ng pahayag si DPWH Secretary Manuel Bonoan na inaprubahan ng Senado ang ilang pagbabago sa unang plano para sa gusali kaya't lumobo ang kinakailangang pondo para rito.

Sinabi pa ni Bonoan na ang variation order o kautusan sa mga pagpapabago ay isang prosesong dumadaan sa Senate supervision committee. Ang pondo aniya ay hindi naman inililipat sa kanilang Kagawaran sapagkat nananatili ito sa Senado.

Kapag nagsusumite aniya sila ng bid o anumang transaksyon, pinag-aaralan ito ng Senado, at kapag aprubado na ang documentation ay saka ibibigay sa DPWH ang halagang ipambabayad sa contractor. Iniimplementa lang ng DPWH ang mga nais na ipag-utps ng Senado sa kanilang ipinagagawang gusali.

Nagkaroon naman ng mainitang palitan ng pahayag sina Cayetano at Senadora Nancy Binay, dating chairperson ng Senate Coomittee on Accounts kaugnay ng halaga ng pagpapagawa ngayon sa gusali ng Senado.

News Image #3


Iginiit ni Cayetano na P23 bilyon ang halaga ngayon ng pagpapagawa ng gusali ng Senado samantalang ipinagpilitan naman ni Binay na P21.7 bilyon lamang ito.

(Mga larawan mula kina Jayson Pulga at Dexter Terante)