Pinag-aaralan na ng Food and Drug Administratjon (FDA) na palawigin sa persons with disabilities (PWDs) ang kautusan na payagan silang bumili ng discounted na gamot at medical devices kahit na wala silang dalang booklet.

News Image #1

(Larawan ni Diana Mendoza na ibinahagi sa Taguig.com)

Sinabi ng FDA na ang Administrative Order No. 2024-0017 ay nakatuon lamang sa mga senior citizens na maaaring bumili ng gamot at gamit na medikal nang hindi na kinakailangang magdala ng kanilang senior citizens booklet.

Sa isinagawang pagpupulong ng mga opisyal ng FDA, sa pangunguna ni Director General Dr. Samuel Zacate, tinitingnan nila ang posibilidad na isama na rin sa kautusan na huwag nang gawing requirement ang booklet para sa PWD na bibili ng gamot o medical devices sa botika.

News Image #2

(Larawan ng FDA)

Pinag-aaralan din ng FDA kung paanong mapapahusay pa ang pagpapatupad ng value-added tax (VAT) exemptions (sa ilalim ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises o CREATE law) sa ilang mga gamot.

Balak din ng FDA na magsagawa ng malawakang information drive kaugnay nito.

"Inaasahang magdudulot ang mga hakbang na ito ng mas pinadaling proseso sa mga transaksyon, at malaking tulong para sa mga senior citizens at PWDs, lalo na sa mga mahihirap na komunidad," ayon sa FDA sa kanilang opisyal na pahayag.

Una rito, nagreklamo ang ilang PWDs sa kautusan ng DOH kaugnay ng purchase booklet na nakatuon lamang sa senior citizens.

"Some government offices need to be on the same page. Went to drugstore to buy meds. Pharmacist said discount booklets for meds are still required from PWDs, as the DOH AO applies only to senior citizens. I told DOH friends na sana isahang policy na. They said the AO was based on the recently-enacted expanded senior citizen law. Only the DOH can amend the requirements it issued earlier. The DOH friends said they have been receiving plenty of calls from PWDs, me included, about this issue. But for PWDs, it's the National Council for Disability Affairs. So ano na? Umayos," ang post ni Diana Mendoza, isang journalist at PWD, sa kanyang Facebook Page.