Bata pa lang, tinuturuan na ang mga bulilit na Taguigeño at Taguigeña na magtanim.
Bilang bahagi ng isang buwang selebrasyon ng ika- 437 anibersaryo ng pagkakatatag ng Taguig, isinagawa ang Bulilit Planters sa Lakeshore Urban Garden in Barangay Lower Bicutan, Taguig City noong Mayo 11, 2024.
Apatnapu't limang mga bata mula sa Taguig daycare centers ang tinuruan ng mga pangunahing kaalaman sa pagtatanim. Nag-ani rin ang mga bulilit ng mga prutas at gulay mula sa urban garden at tinuruan ng mga benepisyo sa nutrisyon ng mga inani ng mga bata.
Pinangunahan ni Taguig City Mayor Lani Cayetano ang pagtuturo sa mga bata sa pagtatanim, bilang isa ring plantita, at binigyan diin ang kahalagahan ng paggamit ng mga espasyo sa syudad para sa pagtatanim gamit ang mga recyclable na materyales.
"Bagama't tayo ay nasa Metro Manila, gusto ko na matuto tayong magtanim. Hindi kailangan ng malalaking lugar para makapagtanim tayo, ang kailangan lang natin ay maliliit na espasyo at gamit ang mga recyclable materials," ayon kay Cayetano.
Iniuwi ng mga bata ang kanilang nakolektang prutas at gulay na inilagay sa basket.
Ang pamahalaang lungsod ng Taguig ay matagal nang may urban garden kung saan ang mga inaani rito ay ibinibigay rin nila ng libre sa mga pinagsasagawaan ng Taguig Love Caravan.
Binibigyang diin ng pamahalaang lungsod ng Taguig ang kahalagahan ng nutrisyon at pagyaman sa mga agricultural at aquatic resources ng probinsyudad.
(Larawan mula sa Taguig PIO)
Pagtatanim, Itinuro sa mga Bata sa Taguig Daycare Centers; Nakapag-uwi rin Sila ng mga Inaning Prutas at Gulay | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito: